XSITENTA: Pagdriwang ng Buwan ng Wika at Kultura sa ika-70 Anibersaryo ng Paaralang Xavier
By Kalvin Onghantiac (10C)
|3 min read

Photo credits: Media Team/Sebastian Villasin
By: Kalvin Onghantiac (10C)
Yumanig ang buong paligid nang pumasok ang MMDA Marching Band para sa isang grand entrance. Ramdam na ramdam ang panginginig ng lupa sa lakas ng palo ng drums at masayang tugtog ng saxophones at trumpets. Napapasayaw ang lahat sa kanilang mga tugtog. Ito ang naging masiglang simula ng programa para sa Buwan ng Wika at Kultura 2026.
Ginanap ang makulay na selebrasyon sa Fr. Rafael Cortina, SJ Sports Center ng paaralan. Buhay na buhay ang paligid sa mga nakasabit na palamuting may anim na malalaking banner na pula, dilaw, at puti, kasama ang makukulay na banderitas na parang confetti sa itaas. Sa gitna ng entablado, kitang-kita ang pambansang simbolo ng salakot na ginamitan ng Filipino flow of colors at pinalamutian ng salitang XSITENTA–isang magandang simbolo ng ating kulturang Pilipino.
Matapos ang masiglang pambungad, pormal na sinimulan ang programa sa pangunguna ng ating mga tagapagdaloy na sina Gng. Angel Dela Fiesta, Bb. Valerie Dela Peña, Jaden Sy, at Lucas Go. Sinundan ito ng isang parada ng mga Natatanging Kasuotan, tampok ang mga kinatawan mula sa Grade School, High School, at Central Administration.
Matapos ang pormal na pagsisimula, agad na nagbigay-sigla sa entablado ang pambungad na pagtatanghal ng mga mag-aaral mula sa Sandugo (Filipino Culture Club), na nakasuot ng puting kamiseta, bandana, at sombrero. Sinundan ito ng nakayayanig na pag-awit at pagtugtog ni JB Carpio ng sikat na kantang “Ligaya” ng Eraserheads. Nagbigay rin ng inspirasyonal na mensahe ang ilan sa mga miyembro ng Sandugo tungkol sa kahalagahan ng Buwan ng Wika sa ating pagkakakilanlan. Winakasan nila ito sa isang makabuluhang paalala: “Pinoy Ako, Pinoy Tayo, Pilipino Lahat”

Photo credits: Media Team/Sebastian Villasin
Puno ng sigawan at palakpakan ang Sports Center nang lumabas ang grupong Indak Guiguinteño. Sa unang sayaw, ipinakita ng mga lalaki ang tapang at tikas ng sinaunang mandirigma sa kanilang pulang kasuotan at bahag. Sinundan ito ng maingat na paglalakad ng mga babae habang may palayok sa ulo sa sayaw na Banga-Salidsid. Tampok din ang maliwanag at masiglang mga galaw sa Binasuan, gayundin ang lagi nang paboritong Tinikling.
Hindi rin nagpahuli ang Xavie Tsers, binubuo ng mga piling guro at kawani mula sa Grade School, High School, at Central Administration. Naghandog sila ng masiglang dance number na agad nagpasaya at nagpasigla sa buong Sports Center. Ipinakita nilang hindi lang sa pagtuturo mahusay ang ating mga guro at kawani, kundi pati sa pagsasayaw!
Hindi rin nagpahuli ang musika. Nagpakitang-gilas ang Chorus Vocales sa pag-awit ng mga sikat na kanta tulad ng “Noypi” ni Bamboo, “Kapayapaan” ng Tropical Depression, at “Alab” ng SB19 sa kanilang klasikong istilo. Masaya ring umawit ang Coro Javier ng “Tindahan ni Aling Nena.” Ngunit ang pinakatampok na sandali ay nang mag-duet sina Fr. James Lee at Gng. Rosario sa kantang “Akap.” Sa gitna ng kanilang pagtatanghal, nagkaroon man ng problema sa tunog, hindi sila natinag at buong husay na nagpatuloy sa acappella! Dahil dito, humanga nang husto ang mga manonood, na sabay-sabay na tumayo bilang pagkilala sa kanilang kahanga-hangang pagtatanghal.
Sa buong programa, hindi nawala ang saya at tuwa dahil sa pag-ikot ni Hoofy, ang paboritong mascot ng Paaralang Xavier, na patuloy na nagbigay-aliw at saya sa lahat. Sa huli, nagtatanghal ang Dance X sa saliw ng mga kantang “Bongga Ka Day,” “Sumayaw Ka,” at “Hawak Mo ang Beat.” Lalong lumakas ang hiyawan nang magsilabasan at makisabay sa sayawan ang mga Xavier Tsers.

Photo credits: Media Team/Sebastian Villasin
Matapos nito, nagbahagi ang Presidente ng Paaralang Xavier na si Fr. Joseph Haw, SJ, ng isang makabuluhang mensahe. Sa kanyang talumpati, pinasalamatan niya ang buong komunidad ng Paaralang Xavier sa pagtulong at pakikiisa sa programa sa kabila ng mga kanselasyon at bagyo. Ipinaalala niya na walang bagyo o anumang pagsubok ang kayang magpahinto sa ating pagsisikap at pagmamahal sa sariling wika at kultura. Higit sa lahat, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagpapahalaga sa ating pagkatao, identidad, at wika. Ang bawat kilos at gawa natin ay dapat magpakita ng tunay na pagiging Pilipino at pagmamahal sa bayan.
Mabuhay ang Xavier School! Luceat Lux!


