Stallion
Stallion

The official trilingual publication of Xavier School, est. 1962.

FilipinoNews

Ang Huling El Bimbo: Huwag Palampasin!

By Ravi Keane G. Tan

|3 min read

0 views
Ang Huling El Bimbo: Huwag Palampasin!

“Magkahawak ang ating kamay

At walang kamalaymalay

Na tinuruan mo ang puso ko

Na umibig ng tunay”

Siguradong kilala na ang mga lirikong ito ng karamihan. Mula 1995, ang kantang “Ang Huling El Bimbo” ng bandang Eraserheads, ay pinapakinggan sa radyo, telebisyon, mga kainan, at ngayon ay ginawang dula na ipinapalabas sa teatro ng Resorts world Manila.

Ang dula na may pamagat na “Ang huling El Bimbo” ay isang halimbawa ng pagtatanghal na naghahatid ng aliw, kaligayahan, at luha sa mga Pinoy. Higit dito, naimulat ng dulang ito ang iba’t-ibang problema ng lipunan sa pananaw ng manonood. Ito ay isang orihinal na kwento tungkol sa magkakaibigang nagmula sa iba’t-ibang katayuan ng lipunan. Sa mga unang palabas ng “Ang Huling El Bimbo”, napakarami ng nanonood, marahil dahil sa mga sikat na awitin ng Eraserheads, ngunit marami rin ang nagulat dahil sa lalim ng mensahe ng dulang ito. Maganda ang mga naging puna ng mga kritiko at manonood, kaya’t lubos na nadagdagan pa ang katanyagan ng dulang ito. Mula noong 2018, kung saan unang pinalabas ang dula, paulit ulit na binalik ang produksyon ng “Ang Huling El Bimbo” dahil sa kamangha-manghang suporta ng mga Pilipino. Ngayon dahil sa kasalukuyang sitwasyon ng bansa, nagdesisyon ang Resorts World Manila na ipalabas gamit ng livestream ang dulang “Ang Huling El Bimbo” sa ABS-CBN YouTube channel ngayong ika-walo ng Mayo. Mapapanood lamang ito ng apatnapu’t walong (48) oras.

Narito ang ilan sa mga dahilan kung bakit huwag niyo dapat palampasin ang pagkakataong mapanood ang “Ang Huling El Bimbo”:

Pagkilala at Pag Mahal sa OPM

Tangkilikin natin ang atin. Para sa mga lumaki sa panahon ng Eraserheads, maaaring hindi nila makalimutan ang mga kanta ng bandang iyon. Ngunit, marami sa mga kabataan ngayon ay walang interes sa OPM. Dahil sa mataas na impluwensya ng mga ibang bansa at banyagang kanta, hindi na nabibigyan ng kahalagahan ang mga Pilipinong kanta. Mahalaga ang pagmamahal ng musikang ito sa mga Pinoy dahil ito ang musika ng mga kapwa nilang Pilipino at kaya dapat makilala nila ang OPM.

Kasama sa karanasan ng nanonood ay ang kakayahan na sumabay sa mga kumakanta. Saya ang inyong mararamdaman dahil nakikita ang mahal at haling ng mga aktor sa musika. “Ang Huling El Bimbo” ay pwedeng maging dahilan kung bakit dapat mahalin ng mga kabataan ang OPM. Isang magandang aspeto ng produksyon ay isinali nila ang maraming kanta ng Eraserheads, hindi lang yun mga sikat para labis na makilala ng mga Pinoy ang banda.

Pag-uugnay sa Realidad ng Bansa

Kabila ng saya sa pagkakanta ng mga musika, magugulat ang mga manonood sa mga mabigat at nakakalungkot na eksena sa dula. Ipinapakita ng dula ang mga matataas at mabababang punto sa buhay ng mga persona. Inilalarawan din ng dula ang iba’t ibang problema ng lipunan ng Pilipinas. Maganda ang ginawa ng sumulat ng banghay ng dula na si Dingdong Novenario at direktor Dexter Santos dahil naiugnay nila ang mga mensahe ng kanta at kwento sa kasalukuyang nagaganap sa Pilipinas. Habang nanonood ng “Ang Huling El Bimbo”, naiimulat ang mata ng mga tao sa mga problema ng bansa katulad ng droga at katiwalian. Sa kasulukuyan, kahit na hindi na aktibo ang Eraserheads sa industriya ng musika, hinding-hindi sila makakalimutan dahil sa kanilang sikat na awitin at dahil na din sa produksyong ito. “Ang Huling El Bimbo” ay simbolismo ng talento at haling ng mga Pinoy para sa musika. Ang koneksyon ng musika at malalim na mensahe ay ang rason kung bakit huwag palampasin ng mga Pilipino ang pagkakataon nilang panoorin ang dula.

Kapag mapanood niyo ang dulang, “Ang Huling El Bimbo”, tiyak na kayo’y tatawa, kakanta, luluha at mapapa-isip. Maari niyong mapanood ang dulang “Ang Huling El Bimbo”, gamit ang livestream sa ABS-CBN YouTube channel ngayong ika-walo ng Mayo. Mapapanood lamang ito ng apatnapu’t walong (48) oras.

About the Writer

Related Articles