Stallion
Stallion

The official trilingual publication of Xavier School, est. 1962.

FeaturesFilipino

Ang Mukha ng Katiwalian: Mula sa El Filibusterismo Hanggang sa Kasalukuyan

By Gabriel Goboy Lapuz (11B)

|4 min read

0 views
Ang Mukha ng Katiwalian: Mula sa El Filibusterismo Hanggang sa Kasalukuyan

Photo Credits: Facebook of the Department of Foreign Affairs

By: Gabriel Goboy Lapuz (11B)

Sa El Filibusterismo, ipinakita ni José Rizal kung paano ang katiwalian at kasakiman ay nakatago sa anyo ng paglilingkod-bayan, isang temang nananatiling totoo hanggang sa kasalukuyan.

Sa pamamagitan ng mga tauhan at pangyayari, malinaw niyang ibinunyag na ang mga may kapangyarihan ay madalas gamitin ang kanilang posisyon hindi upang maglingkod sa nakararami, kundi upang palakasin ang kanilang pansariling interes. Ang ganitong klase ng pang-aabuso ay nagdudulot lamang ng higit na paghihirap sa mga ordinaryong mamamayan na walang kakayahang lumaban.

Ang isyung ito ay malinaw na makikita rin sa mga kontemporaryong kontrobersiya hinggil sa mga ghost flood-control projects sa Pilipinas. Kamakailan lamang, iniimbestigahan ng Kongreso ang mga proyektong inulat na natapos ngunit hindi naman totoo, kung saan bilyong pondo ang nauwi sa wala habang patuloy na binabaha ang mga maralita at pinakabulnerableng’ sektor ng lipunan (AP News, 2025). Ang imbestigasyong ito ay nagpapatunay na ang katiwalian na tinalakay ni Rizal mahigit isang siglo na ang nakararaan ay patuloy na umiiral hanggang ngayon.

Sa Kabanata 4 (Kabesang Tales), ipinakita kung paanong kinamkam ng mga prayle ang lupa ni Kabesang Tales gamit ang kanilang tinatawag na “legal” na kapangyarihan. Sa katunayan, wala namang tunay na hustisya sa ginawang ito, bagkus ay isang malinaw na halimbawa ng pagnanakaw ng yaman mula sa mga walang laban. Ang pangyayaring ito ay maihahambing sa kasalukuyang anomalya kung saan tinatayang nasa ₱42.3 bilyon hanggang ₱118.5 bilyon na pondo para sa mga proyekto sa flood control ang nawala sa katiwalian at mga proyektong hindi natupad mula 2023 hanggang 2025, ayon kay Sec. Ralph Recto ng Department of Finance (Inquirer, 2025).

Ang mga pondong ito ay orihinal na nakalaan upang protektahan ang mga mamamayan laban sa kalamidad, ngunit sa halip, ito’y napunta lamang sa bulsa ng iilan. Makikita rito na ang parehong sitwasyon—ang lupang inagaw kay Kabesang Tales at ang pondong nawaldas sa kasalukuyan—ay nagsasalamin ng iisang katotohanan: ang mga makapangyarihan ay patuloy na nagsasamantala sa mga mahihina at walang tinig.

Dagdag pa rito, ipinakita sa iba pang kabanata ng nobela kung paanong nagdurusa ang mga mahihirap sa kawalan ng katarungan habang nananatiling walang pakialam ang mga makapangyahiran. Ang kawalan ng malasakit ng mga nasa itaas ay humahantong sa higit na paghihirap ng mga maralita, na walang kakayahang ipagtanggol ang kanilang sarili laban sa sistemang hindi patas.

Ang sitwasyong ito ay katulad ng mga maralitang pamayanan ngayon na pinakamatinding apektado ng pagbaha dahil sa kabiguang ipatupad ang mga epektibong proyekto sa flood control. Habang ang mga mayayaman ay nakatira sa matitibay na gusali at nakikinabang sa modernong teknolohiya, ang mahihirap naman ay nawawalan ng tirahan at kabuhayan sa tuwing dumarating ang sakuna.

Higit pa rito, ipinakita sa Kabanata 7 (Si Simoun) kung paanong ginagamit ni Simoun ang kanyang kayamanan upang suhulan at manipulahin ang mga politiko. Bagama’t ipinapakita niyang ang kanyang mga aksyon ay para sa “pag-unlad,” sa likod nito ay pansariling interes at paghihiganti ang tunay na layunin. Ang ganitong uri ng pamamalakad ay kahalintulad ng ginagawa ng mga political dynasty at mga kontraktor sa kasalukuyan.

Sila ay nagtutulak ng bilyon-bilyong pondo para sa mga proyekto na madalas ay nauuwi lamang sa ghost projects. Ayon sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee, ilang kontraktor lamang ang kumuha ng halos ₱100 bilyong halaga ng flood-control projects, at marami sa mga ito ay na-certify bilang “natapos” kahit wala namang talagang naipatayo (Philippine News Agency, 2025). Ito ay malinaw na patunay na ang sistemang iniwan ng mga kolonyalistang manankop ay nagpatuloy sa iba’t ibang anyo sa modernong lipunan.

Sa kabuuan, ipinapakita ng nobela ni Rizal at ng mga kontemporanyong isyu na may paulit-ulit na padron: ginagamit ang kapangyarihan at pera para sa pansariling interes habang ang mahihirap ang pinakatinatamaan. Tulad ng mga prayle at ni Simoun na nagmaniobra sa lipunan noong ika-19 na siglo, ang mga makabagong politiko at kanilang mga kaalyado ay patuloy na inaabuso ang pondo para sa imprastraktura, kaya’t lalo lamang nagiging bulnerable ang bansa sa mga sakuna. Nanatiling makabuluhan ang babala ni Rizal sa El Filibusterismo: ang katiwalian sa pamahalaan ay hindi lamang pag-aaksaya ng yaman kundi lalo ring nagpapalalim ng agwat sa lipunan at naglalagay sa panganib ng buhay ng mga mamamayan. Kung hindi kikilos ang lipunan upang labanan ang ganitong uri ng katiwalian, mananatili tayong bihag ng parehong suliranin na nais nang ibunyag at tuligsain ni Rizal mahigit isang daang taon na ang nakalipas.


Mga Sanggunian:

AP News. (2025, September 2). Philippine government investigates corruption in flood control projects amid public outcry. Associated Press.

https://apnews.com/article/22e4c3eab4b8ef0880b625e17e290cce

Inquirer.net. (2025, September 3). Ghost flood-control projects cost PH economy over ₱118.5B — Recto. Philippine Daily Inquirer.

https://newsinfo.inquirer.net/2103619/ghost-flood-control-projects-cost-ph-economy-over-p118b -recto

Philippine News Agency. (2025, August 15). Senate probe uncovers anomalies in flood-control projects; contractors corner billions. Philippine News Agency.

https://www.pna.gov.ph/articles/1256868

About the Writer

Related Articles