Stallion
Stallion

The official trilingual publication of Xavier School, est. 1962.

FilipinoSports

GILAS: TAMA BA NA PABALIKIN SI COACH CHOT?

By Ravi Tan

|5 min read

0 views
GILAS: TAMA BA NA PABALIKIN SI COACH CHOT?

Isinulat ni Ravi Tan

Noong January 31, ibinahagi ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ang balita na umalis (“stepped down”) na si Coach Tab Baldwin bilang head coach ng Gilas Pilipinas. Ayon sa SBP, ang “overlap in schedules between the coming UAAP season and the preparations for the FIBA world cup 2023 Qualifiers” ang naging rason kung bakit umalis si Coach Tab. Dinagdag pa nila na babalik ang dating 2-time Gilas coach na si Chot Reyes.

Si Chot Reyes ay isa sa mga pinakasikat na basketball coaches sa Pilipinas. Bukod sa pagiging 9-time PBA champion bilang head coach ng Talk n’ Text, tinulungan din niyang makabalik ang Pilipinas sa FIBA World Cup noong sinira ng Gilas ang sumpa ng Korea (“Korean curse”) noong 2013 FIBA Asia Championship. Kilala rin si coach Chot para sa kanyang moniker —- “PUSO,” na naging parte na ng pagkakakilala sa mga Gilas teams tuwing mayroong kumpetisyon. Sa kabila ng lahat ng mga nagawa ni coach Chot para sa bayan, bakit kaya marami pa rin ang nagalit at nagwala sa social media noong lumabas ang balita? Siyasatin natin ang mga rason.

KATOTOHANAN NG PAHAYAG?

Maraming balitang lumalabas mula sa mga inside sources katulad ng spin.ph na hindi totoo ang boluntaryong pag-alis ni coach Tab, kundi siya ay pinaalis. Bagama’t walang nagpapatunay na hindi totoo ang mga pahayag ng SBP, hindi maiwasan ng mga Pilipino na magtaka dahil biglaan itong naganap.

Unang-una, kung titingan ang rason na binigay ng SBP, nakakapagtaka na ang ilalagay nilang kapalit na coach ay si Chot Reyes. Ang naging isyu kung bakit hindi na pwede si Tab Baldwin na maglingkod bilang head coach ng Gilas ay dahil kailangan niya tuparin ang kanyang mga obligasyon sa Ateneo. Ngunit si Chot Reyes ay nagtatrabaho rin bilang head coach ng TNT sa PBA kaya’t posible rin siya magkaroon ng problema sa oras sa mga susunod na buwan. Kung iyon ay totoo, bakit hindi na lang sila kumuha ng isang coach na hindi humahawak ng koponan sa mga liga katulad ng PBA at University Athletic Association of the Philippines (UAAP)?

Ilan sa mga binabalitang rason kung bakit “tinanggal” si coach Tab ay ang pag-alis ng maraming Pilipinong manlalaro papuntang Japan B.League,at ang kanyang pagrereklamo na maraming nakikialam sa kanyang mga desisyon. Dito lumalabas ang politika sa basketball dahil maraming nanggugulo para lang sa kanilang mga sariling interes. Kung ang mga binabalita ay totoo, sa aking pananaw, hindi problema ng isang coach ang pagaalis ng mga player dahil nasa kamay naman ng isang tao kung saan niya gusto magtrabaho. Pagdating sa coaching, ang head coach mismo ang dapat magdesisyon dahil iyon ang kanyang sistema. Ilan sa mga miyembro ng SBP ay mga may-ari rin ng kanilang sariling koponan na makikinabang sa mga manlalaro na pumupuntang Japan. Dahil dito ay hindi ako magtataka kung ito nga ang dahilan. Hindi ko sinasabi na ito ay totoo, pero para tanggalin lang ang isang magaling na coach katulad ni Tab Baldwin, marami pang rason na hindi ipinapalabas sa publiko at kailangan nating malaman.

“HISTORY IS REPEATING ITSELF”

Kung basketball lang ang pag-uusapan, hindi rin magandang desisyon ang naganap para sa kabutihan ng Pilipinas. Walang disrespeto kay coach Chot, pero sa aking palagay ay mas maganda kung pinagpatuloy na lang ang Gilas kasama si coach Tab. Kung pagkukumparahin ang dalawang sistema, makikitang mas bagay ang “adapted European style” (sistema ni Coach Tab) ng basketball kaysa sa “dribble drive offense” (sistema ni Coach Chot) pagdating sa mga internasyonal na kumpetisyon. Maski na isa sa mga magagaling na European teams, ang Serbia, ay nahirapang labanan ang Pilipinas. Pitong puntos lang ang naging talo ng Gilas laban sa Serbia kumpara noong 2019 nang tambakan tayo ng higit limampung puntos. Dagdag pa dito ay ang “two game sweep” na nakumpleto nila coach Tab at ang Gilas cadets laban sa ating karibal, South Korea. Malinaw na nakikita ang epektibong mga reporma na ginawa ni coach Tab sa basketball program ng Pilipinas.

Ang isyu ay maganda na nga ang pinapakita ng Pilipinas ngayon sa mundo ng basketball, tapos “tatanggalin” o “mawawala” ulit si coach Tab Baldwin. Ito ay ikinakagalit ng mga Pilipino dahil mayroong takot na mangyayari ulit ang nakaraan. Noong 2015 at 2016, naglingkod si coach Tab bilang head coach ng Gilas. Maganda ang kanilang pinakita, ngunit biglaan na lang pinalitan ulit ang coach at bumalik si coach Chot Reyes. Hindi naging masyadong matagumpay ang pagbabalik ni coach Chot sa Gilas kasama ng maraming talo at ang sikat na suntukan laban sa Austailia kung saan nalagay sa panganib ang maraming Pilipino (manlalaro at taganood). Ang huling laro ni coach Chot bilang head coach ng Gilas ay naging isa sa mga ikinakahiya ng Pilipinas sa mundo ng Basketball. Bagama’t hindi lang si Coach Chot ang may kasalanan dito, nanghihinayang ako sa nasayang na oportunidad para umangat ang libel ng basketball dito sa Pilipinas. Magaling si coach Chot, pero kabisado na ng maraming kaponan ang kanyang sistema.Maraming matutunan ang mga manlalaro at pati mga lokal na coaches kay coach Tab dahil ang kanyang antas ng pag-iisip, karanasan, at kaalaman tungkol sa basketball ay napakataas

Hindi pa ba tayo natuto? Kung paulit-ulit lang tayong magkakamali, walang magbabago sa paglalaro ng Gilas.

BAGO NA NAMAN SISTEMA?

Ayon sa maraming tagasuporta ng Gilas, nagagalit sila dahil “back to zero na naman” ang team. Isa sa mga kagandahan ng bagong programa na tinayo ng SBP noong pandemya ay ang paggamit ng isang unipormadong sistema at listahan ng manlalaro sa lahat ng kumpetisyon na sinasalihan ng Gilas. Nakakapagbigay ito ng tamang oras sa koponan para maging sanay sa paglalaro sa loob ng sistema at bumuo ng pagsasamahan (chemistry) kasama ang kanilang mga kakampi. Kung papalitan ulit si coach Tab, masasayang lang ang progreso na binuo niya. Balewala na ang kanyang binigay na oras at paghihirap para sa bayan dahil hindi na matutuloy ang kanyang mga plano.

Sa ilalim ni coach Chot, malamang na mga ibang manlalaro at sistema nanaman ang gagamitin. Ito ay magiging problema lalo na’t malapit na ang Fiba World Cup Qualifiers. Hindi makakatulong ang biglaan na pagpapalit ng coach sa preparasyon ng Gilas dahil wala pang isang buwan ng pag-eensayo ay maglalaro na sila laban sa South Korea, New Zealand, at India. Sa aking palagay, kung talagang gusto magpokus ni coach Tab sa Ateneo, baka pwedeng isa sa mga assistant coaches niya ang pinasok upang mapanatili ang kasalukuyang sistema. Kung papalit-palit ang sinusundan na programa at coach, hindi uusad ang Pilipinas sa mundo ng basketball.

Ngayon, ang mahalagang tanong ay ano na ang plano para sa World Cup 2023 sa susunod na taon? Inaabangan ito ng maraming Pilipino dahil dito gaganapin ang mga laro. Sana magkaroon na ng isang permanenteng sistema na gagamitin upang maging maganda ang maging takbo ng Gilas sa World Cup.

Hindi dapat inaatake ng mga tao si coach Chot. Siya ay isang tao lamang na naglilingkod para sa bayan at para sa kanyang pamilya. Subalit, sana ay maintindihan din ng mga nagdedesisyon ang tunay na kailangan ng ating bansa upang pagbutihin ang kalalabasan ng minamahal nating laro. Sa pangkalahatan, pagdating sa usapang Gilas, walang ibang rason ang dapat ikonsidera kundi ang ikakabuti lang ng bayan.

Larawan mula sa: https://news.abs-cbn.com/business/06/02/19/chot-reyes-confirms-departure-from-tv5

About the Writer

Related Articles