Maligayang ipinagdiwang ang Buwan ng Wika 2019
By Ethan Dale Uy (G7) and Lorenzo Miguel (G7)
|3 min read

Ni Ethan Uy (G7) at Lorenzo Miguel (G7)
Noong Agosto 29, ipinagdiwang ng Mataas na Paaralang Xavier ang Buwan ng Wika at Kultura 2019, na mayroong temang ‘Wikang Katutubo: Tungo sa Isang Bayang Filipino.’ Nagsimula ang selebrasyon sa isang misang ginanap sa Xavier School High School Gym alay kina San Juan de Bautista at San Alberto Hurtado, S.J. Ang misa ay pinamunuan ni Padre Victor C. de Jesus, kasama nina Padre Aristotle Dy, Padre Xavier Olin, at Padre Arturo Borja, lahat ng Kapisanan ni Hesus. Sa pagdiriwang ng Banal na Misa, tinalakay ang mga berso galing sa Jeremias 1:17-19 at Marcos 6:17-29. Sa kanyang Homilya, kinuwento ni Padre de Jesus ang buhay ni St. Alberto Hurtado, S.J. at kung ano ba talaga ang isang martir. Inilahad rin ni Padre de Jesus na tayo ay dapat magpasalamat sa tatlong bagay: sa buhay ni San Juan de Bautista, sa ehemplo ni San Albrerto Hurtado, S.J., at sa ating makabuluhan at matingkad na kulturang Pilipino, kasama na rin ang ating mayamang wikang Tagalog. Sinunod ng Homilya ang pagbigkas ng mga Panalangin ng Bayan sa iba’t-ibang katutubong wika tulad ng Cebuano, Illongo, at Kapampangan. Nagtapos ang misa sa bendisyon at pag-awit ng papuri.
Pagkatapos ng misa, ginanap ang programang “Hala Bira!” na hinanda ng Kagawaran ng Pilipino. Masiglang sinimulan ang programa sa mga pahayag nina Bb. Anne Valerie Dela Peña (JHS Filipino) at ni Adrian “Dar” Serapio (G12). Itinampok ng unang pagtatanghal ang mga malaanghel na boses ng mga miyembro ng korong Himig Roseña. Sila’y namuno sa pagkanta ng Pambansang Awit, na sinabayan ng mga mag-aaral at guro. Sina Tyler Tan (G10) at Russ Relucio (G11) naman ay naghanda ng mga simpleng palaro, kung saan ay may isang kinatawan galing sa bawat antas na magpapakita ng kanilang kagalingan sa wikang Pilipino sa pagbigkas ng mga tongue twister. Pagkatapos, ang Himig Roseña ay bumalik muli sa entablado para umawit ng “Mamang Kutsero,” “Sa Dakong Sikatan,” “Order E,” at “Umagang Kay Ganda.” Pagkatapos nito, ang Sandugo naman ay ipinakilala sa manonood ang sayaw na Ati-Atihan, habang ang Philippine Marine Drum and Bugle Corps ay nagpakita ng talento sa musika, kung saan sila’y hindi lamang nagpatugtog ng musikang pang-marching-band, kundi nagpatugtog rin ng mga “instrumental cover” ng kilalang mga kanta. Sa pagtatapos ng programa, lahat ay napangiti sa bersyon ng Sinakiki na hinanda ng mga guro. Natapos ang “Hala Bira!” sa pag-awit ng Xavier School Song sa wikang Filipino, isang pagpapakita ng pagkakaisa sa selebrasyon ng kultura bilang mga Xaverians at bilang mga Pilipino.




Tumuloy ang mga estudyante at guro sa kani-kanilang silid-aralan para mananghalian o sa wikang Kampapangan, “Mangan Ta Na!” Bago matapos ang araw, lahat ay sumali pa sa iba’t-ibang gawain na nagtampok ng yaman ng kulturang Pilipino. Natuto ng ikapito at ikawalong antas na estudyante ang ilan sa mga iba’t ibang katutubong wika ng Pilipinas. Ang ikasiyam at ikasampung baitang naman ay nanood ng pelikulang “Liway,” na kinatatampukan ni Glaiza de Castro. Ang prodyuser ng “Liway” ay ang dating pinuno ng Kagawaran ng Pilipino at isang Xaverian na si Ginoong Alemberg Ang. Nang nagtapos ang pelikula, nagbigay ang mga mag-aaral ng isang standing ovation para sa “Liway.” Habang nagaganap iyon, pinanood naman ng ikalabing-isang baitang ang dulang “Rak of Aegis” sa Philippine Educational Theater Association (PETA), at ang ikalabing-dalawang baitang naman ay nanood ng pelikulang “Quezon’s Game.”
Ang selebrasyon ng Buwan ng Wika at Kultura 2019 ay punung-puno ng kasiyahan at oportunidad na pahalagahan at mahalin ang pagkakakilanlan ng bawat estudyante bilang Pilipino. Nakikiisa ang Stallion sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika at Kultura 2019. Para sa bayan! Para sa wikang Filipino!

