Pakikipanayam kay Elda Rotor
By Elijah Louis Ng
|1 min read

Noong ikalabindalawa ng Hulyo 2019, bumisita si Elda Rotor ng Penguin Publications sa Paaralang Xavier upang magbigay ng panayam tungkol sa pagpapahalaga sa panitikan at kung paano naaapektuhan ng Panitikang Filipino ang mundo. Si Elda Rotor ay responsable sa paglalathala ng madaming klasiko at sikat na mga aklat katulad ng: ‘Noli Me Tangere’ at ‘El Filibusterismo’ ni José Rizal at koleksyon ng mga tula ni José Garcia Villa. Maaaring karamihan ng nilalathala niya ay mga akdang pandaidig ngunit nitong mga nakaraang taon ay hindi na nagpatihuli ang mga akda ng mga Pilipino.
Sa kalagitnaan ng talumpati ni Elda Rotor, ipinaliwanag niya ang kahalagahan ng Panitikang Filipino. Sinabi niya na ang panitikan ng mga Pilipino ay umaabot sa ibang bansa. Naapektuhan natin ang mga ideolohiya at kaisipan ng mga banyagang bansa. Ipinahayag ni Elda na ginagamit ang ‘Noli me Tangere’ at ‘El Filibusterismo’ sa mga paaralan ng ibang bansa. Napakaimportante ng ating panitikan sapagkat dito nanggagaling ang ating karunungan tungkol sa kasaysayan ng ating bansa at pundasyon ng isang Pilipino. Pinag-usapan niya rin ang buong sistema kung paano niya inilalathala ang mga libro. Pinipili niya ang mga libro na makahulugan at alam niyang may patutunguhan sa lipunan at daigdig.
Ang ating wika at literatura ay isa sa mga basehan kung sino tayo bilang isang Pilipino at indibidwal. Marahil bilang isang Xaverian, minsan ay nakakalimutan nating bigyan pansin ang ating literatura at wika at pasalamatan ang ating mga bayani na nagbigay ng pagkakakilanlan sa atin at sa ating bansa. Dapat natin itong gamitin at isaulo sa ating gawain bilang Xaverians. Pagsikapan natin na maging katulad ni Elda Rotor, sapagkat ang ating ginagawa sa lipunan ay may kabuluhan sa kinabukasan.


