Proclamation 297: Wala na ba ang COVID?
By Harold Dee (11C)
|4 min read

ni 11-C Harold Dee
Noong Hulyo 21, 2023, tinanggal na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Romualdez Marcos Jr ang public health emergency status ng Pilipinas. Mahigit tatlong taon na ang nakalipas mula noong ipinatupad ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang public health emergency status dulot ng COVID-19. Maraming bagay-bagay na ang nagbago mula noon, bumababa na ang mga kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, hindi na kinakailangang magsuot ng face mask habang nasa labas, at ang COVID-19 ay dineklara na ng World Health Organization o WHO bilang isang health issue lamang. Pero ano nga ba ang nilalaman ng Proclamation 297 at ano-ano ang mga implikasyon nito sa kasalukuyang lipunan? Ito na ba ang tunay na katapusan ng COVID-19 dito sa PIlipinas?
Noong nagsimula ang COVID-19, ang naging tugon ng Pilipinas ay hindi gaanong epektibo. Tumaas nang tumaas ang mga araw-araw na kaso ng COVID-19 sa bansa. Ang mga ospital ay naging punong-puno hanggang sa hindi na kinaya ng mga ospital na tumanggap pa ng mga pasyente. Lumipas ang mga buwan at nasa full-capacity pa rin ang mga ospital ng Pilipinas. Ang mga frontliners sa panahong ito ay pagod na pagod at hindi masaya dahil hindi raw sapat ang sahod kaugnay sa kanilang mahirap na trabaho. Sa panahong ito, mas maraming tao ang nahulog sa kahirapan dahil sa pagkawala ng trabaho at marami pang tao ang namatay. Dahil dito, kinailangan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na ilagay ang Pilipinas sa isang state ng public health emergency. Sa unang taon ng pandemya, kitang-kita na nahihirapan ang gobyerno ng Pilipinas na lutasin ang mga problema na dulot ng pandemya. Dahil sa kombinasyon ng mga bakuna at matinong pamamahala, ay nalutas ang pandemya. Nang lumipas ang oras at tumaas ang mga nabakunahan, bumaba ang araw-araw na kaso ng COVID-19. Ngayon na nasa baba na ng isang libo ang mga kaso ng COVID-19, idineklara ni ngayong Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang pag-angat ng state of public health emergency sa Pilipinas.
Ang Proclamation 297 o “Lifting of the State of Public Health Emergency Throughout the Philipines Due to the COVID-19” ay isang proklamasyon na ipinatupad ni Pangulong Marcos Jr. noong Hulyo 21, 2023. Nilalaman ng proklamasyong ito ang mga dahilan kung bakit iaangat ang Public Health Emergency at ang pagkansela ng lahat ng mga dating utos sa panahon ng Public Health Emergency maliban sa lahat ng bakuna ng FDA na may expiration date na isang taong upang matapos ang lahat ng bakuna. Sa proklamasyong ito, ang unang dahilan sa pag-angat ng health emergency ay ang pagkbaba ng kaso ng COVID-19 sa Pilipinas. Dahil sa mga bakuna at pagbaba ng kaso ay muling bubuksan ng Pilipinas ang mga borders at magiging mas maluwag ang mga health and safety protocols katulad ng pagsusuot ng mask sa loob ng mga establisyimento. Susunod, sinabi ni Marcos Jr. na ang COVID-19 ay isang seryosong problema pa rin na dapat bigyang pansin. Kinakailangan pa rin ang matinong public health response katulad ng pagpapanatili ng isang mahusay na sistema ng pangkalusugan at tiyakin na ang utilization rates ng mga kama ng hospital ay mababa. Binigyan diin ng pangulo ang sinabi ng International Health Regulations Emergency Committee of the World Health Organization na bumababa ang namamatay sa COVID-19, ang pagbaba ng mga napupunta sa Ospital dahil sa COVID-19 at ang immunity na mayroon ang populasyon sa SARS-CoV-2. Binanggit din na ang COVID-19 ay hindi na isang public health emergency kundi isang health issue lamang. Upang magtapos, huling binanggit ng pangulo na ang lahat ng mga ahensiya sa Pilipinas ay susunod sa pagaangat ng Public Health Emergency
Ang Proclamation 297 ay may malaking epekto at implikasyon sa kasalukuyang lipunan. Unang una, kahit na hindi isang Public Health Emergency ang COVID-19, hinihikayat pa rin tayong magpabakuna. Marami pa sa atin na hindi pa nababakunahan ngunit maari pang magpabakuna sa mga LGU. May isa pang taon upang makakuha ng bakuna laban sa COVID-19 bago mag-expire ang mga bakuna ng FDA. Hindi na kinakailangan na magsuot ng mask sa labas. Kahit sa mall hindi na kailangan magsuot ng mask, dapat lang magsuot ng mask kapag may sakit o kinakailangan sa isang lugar.
Sa kabuuan, ang mga protokol tungkol sa ating kalusugan ay magiging mas malawak. Kahit na mas malawak na ang mga protokol, mayroon pa rin tayong responsibilidad na mag-ingat. Tandaan natin na ang COVID-19 ay hindi pa nawawala. Marami pa sa ating mamamayan ay nagkakasakit. May responsibilidad pa rin tayong maging alisto at ingatan ang ating kalusugan. Dapat pa rin nating gawin ang lahat upang maging malusog at protektado sa lahat ng sakit. Gumamit ng alcohol, hugasan nang maigi ang kamay, huwag lumabas kapag may mga sintomas ng sakit upang protektahan ang sarili at ang iba. Nakakatuwa na lumalapit na tayo sa isang araw na wala na ang COVID-19 pero malayo pa ang araw na iyon. Katulad ng sinabi ng pangulo, ang COVID-19 ay isang seryosong problema pa rin para sa isang bahagi ng populasyon ng tao sa Pilipinas, at kinakailangan pa rin ang matinong tugon laban dito. Maraming tao katulad ng mga nasa mababang uri o mga indigenous tribes sa Pilipinas ay hinaharap pa rin ang mga epekto na nagbunga sa pandemya. Hindi pa tapos ang COVID-19 sa Pilipinas, marami pang mga hakbang ang dapat malutas upang sabihin na tapos na ang COVID-19 pandemic, pero mainam rin na alamin na malayo na rin ang ating narating sa paghaharap at paglutas ng pandemya.
References:
Malcanang, P. (2023). SBH367MRO223022319400 – Official Gazette of the Republic of the Philippines. Official Gazette of the Republic of the Philippines. https://www.officialgazette.gov.ph/downloads/2023/07jul/20230721-PROC-297-FRM.pdf
Romero, A. (2023). State of Public Health Emergency lifted in the Philippines. Philstar.com. https://www.philstar.com/headlines/2023/07/23/2283171/state-public-health-emergency-lifted-philippines#:~:text=Under%20Proclamation%20No.%20297%20issued,no%20longer%20be%20in%20effect.

