Stallion
Stallion

The official trilingual publication of Xavier School, est. 1962.

Opinion

Unibersidad ng Pilipinas: Para sa masa o mariwasa?

By Lorenzo Vito Miguel (12A)

|8 min read

0 views
Unibersidad ng Pilipinas: Para sa masa o mariwasa?

Ni: Lorenzo Vito Miguel (12A)

“Para sa bayan”, “Iskolar ng bayan”, “Pang-masa”

Kapag naisip ang Unibersidad ng Pilipinas, ito ang mga madalas na papatak sa isip ng mga tao – ang pangmalakihan, natatangi, at pang-masa na pamantasan ng mga mamamayang Pilipino.

Ang institusyon na ito, dahil sa katangi-tangi nitong kahusayan sa edukasyon at libreng matrikula, ay nagkakaroon ng halos isang daang libong aplikante taon-taon. Sa pamamagitan ng University of the Philippines College Admissions Test o UPCAT, lahat ng estudyante, mula Luzon hanggang Mindanao, mula mayayaman hanggang mararalita, ay binibigyan ng patas na pagkakataon na makapasok sa unibersidad, at dahil dito, marami ang tumutukoy sa UP bilang pangunahing “equalizer” ng Pilipinas.

Sa kasalukuyang panahon, ngunit, labis na lumalaganap ang tinatawag na mga “review center”, kung saan nagbabayad ang mga estudyante upang maturuan at mapag-aralan, sa tulong ng mga guro, ang mga paksa na itatalakay sa UPCAT. Sa aspetong ito, ang UPCAT, sa halip na maging pagsusuri sa natatanging galing at talino ng mga estudyante, ay tila nagiging tagisan ng yaman at kapangyarihan na lamang. Kapag titignan din ang presyo ng mga libro o textbook na ginagamit para sa UPCAT, marami sa mga ito ay umaabot sa halos isang libong piso, na presyong hindi kayang abutin ng nakararami sa mga mamamayang Pilipino.

Ngayon na tila mga “review center” at mga mamahaling “college manual” ang siyang tanging paraan upang makaangat sa UPCAT, tayo ngayon ay napapatanong, “Masasabi pa nga ba na tunay na para sa masa ang Unibersidad ng Pilipinas?”

Ang Pagkalaganap ng Review Centers

Kung iyong tatanungin ang opinyon ng mga estudyante ukol sa pinakamahirap na college entrance exam, marami ang tutungtong sa iisang sagot — ang UPCAT.

Bunsod ng lalim at lawak ng saklaw ng mga itinatalakay nitong mga paksa, ang UPCAT ay itinuturing ng marami bilang isa sa mga pinakamahirap na college entrance exam sa buong Pilipinas. Sa UPCAT, kinakailangang maipamalas ng mga estudyante ang kanilang husay at kakayahan sa larangan ng Agham, Sipnayan, at Wika — lahat ng ito sa pamamagitan ng mahigit sa 300 na katanungan sa loob ng apat na oras lamang.

Hindi munting bagay ang pag-aaral na kailangang gawin para sa UPCAT. Sa loob ng tatlong buwan, kailangang matutunan ng mga estudyante ang lahat ng kanilang pinag-aralan sa apat nilang taon sa mataas na paaralan, mula sa mga anyo ng pagbiyak sa lupa hanggang sa calculus, at dito naman pumapasok ang papel ng mga college review center.

Ang mga college review center na ito ay maituturing na “pangalawang paaralan” para sa mga estudyante, kung saan kanilang pinag-aaralan at itinatalakay, sa gabay ng iba’t ibang mga guro, ang mga paksa na saklaw ng UPCAT. Sila din ay binibigyan ng sariling mga aklat-aralin o karaniwang tinatawag na manual, na laman ang mga pagsasanay at mga mahahalagang kaalaman para sa mga aralin. Ang mga college review center na ito, sinasabi ng marami, ang siyang nagsisilbing pangunahing dahilan kung bakit sila ay nakapasa sa UPCAT at nakapasok sa UP. Sa ilalim na lahat ng taglay nitong mga kapakinabangan, ngunit, ay mayroong nakaugat na mas malawakang suliranin — ang kawalan ng patas na pagkakataon.

6,000, ito ang pinakamababang presyo na iyong mahahanap para makapasok sa isang maayos at mapagkakatiwalaan na college review center, at iilan din sa mga ito ay umaabot hanggang sa 100,000 na peso. Bukod dito, ang mga libro at aklat-aralin para sa UPCAT ay umaabot din sa 1,000 hanggang 3,000 na peso, at dito naipapamalas ang agwat ng mayayaman at ang mga mahihirap sa kanilang landas patungo sa Unibersidad ng Pilipinas.

Ang UP ay iilan lamang sa mga pampublikong paaralan sa Pilipinas kung saan matatagpuan ang mataas na kalidad ng edukasyon. Sa 2024, ang Unibersidad ng Pilipinas ay nakapuwesto sa ika-336 sa mga pinakamahusay na pamantasan sa buong mundo, at ang nangungunang institusyon sa buong Pilipinas. Bunsod nito, itinuturing ang UPCAT ng marami bilang isang “equalizer” dahil mula mayaman hanggang mga mahihirap ay nagnanais na makapasok sa UP at binibigyan ng patas ng pagkakataon, sa pamamagitan ng UPCAT, na makapasok dito.

Sa pagkalaganap ng mga college review center, ngunit, masasabi na ang landas ng mga estudyante papunta sa UP, na dapat ay nagkakapareho para sa lahat, ay nagbabago para sa mga mayayaman, na sapat ang pera at pangtubos para sa mga college review center, at ang mga mahihirap, na sapat lang ang kita para matubos ang kanilang mga pangangailangan.

Sa ganitong aspeto, ang mga college review center na ito ang sumasalamin sa labis na nakaugat na suliranin sa Unibersidad ng Pilipinas at sa UPCAT, na ang kawalan ng patas na pagkakataon para sa mga estudyante na makapasok sa pamantasan.

Ang Estado ng Edukasyon

Ang UPCAT, bukod pa sa pagiging isang pagsubok ng “mental battery,” ay masasabi din na nagsasalamin sa lahat ng mga natutunan at naintindihan ng mga estudyante matapos ang kanilang mahigit na isang dekada ng pag-aaral. Para makatanggap ng mataas na marka sa UPCAT, ang mga kukuha nito ay kinakailangang taglay ang malawakang kaalaman ukol sa mga paksang itinuro mula sa ikapito hanggang sa ika-labingisang baitang.

Sa ganitong aspeto, ang kinalabasan ng UPCAT para sa mga kukuha nito ay hindi nakasalalay sa kakayahan ng mga estudyante na makapasok sa mga college review center – ito ay nakadepende sa kalidad ng edukasyon na siyang natatanggap ng ating mga estudyante.

Kahit gaanong kadaming oras ang ibibigay ng isang estudyante sa kanilang mga college review center, walang tao ang makasasabi o makakaalam sa mga tanong na lalabas sa UPCAT, at dahil dito, ang tagumpay o pagkabagsak ng mga estudyante sa UPCAT ay tunay na nakasalalay sa kanilang mga natutunan sa paaralan.

Ngunit, sa isang bansang katulad ng Pilipinas, kung saan pumapaligid ang kabalbalan at kasakiman sa ating pampamahalaang institusyon, ang paaralan, lalo na ang mga pampublikong paaralan, sa halip ng pagpapasibol sa mga kaalaman ng estudyante, ay nagsisilbi na lamang na pampabigat para sa kanila.

Malayo sa kanais-nais ang kalidad ng edukasyon sa Pilipinas. Ayon sa isang pagsusuri na isinagawa ng Programme for International Students Assessment o PISA, ang Pilipinas ay nakapuwestong ika-78 sa mundo sa 2018 at ika-77 sa mundo sa 2022, na siyang sumasalamin sa napakababang kalidad ng edukasyon sa Pilipinas. Ang bansa ay isa din isa sa mga pinakamababa ang puwesto pagdating sa pagdating sa Reading, Mathematics, at Science. Bunsod nito, ang Pilipinas, sa halip ng pagkakaroon nito ng halos 99 percent na literacy rate, ipinapakita sa isang World Bank report sa 2022 na mahigit sa 90% ng mga kabataang nasa sampung taong gulang ay itinuturing na learning poor o may kahirapan na magbasa at magsulat, na siyang nagaaninag sa napakababang kalidad ng edukasyon sa Pilipinas.

Hindi din ito nakakagulat kapag ating titignan ang labis na pangungurakot at kontrobersyang pumapaligid sa administrasyon ng Department of Education o DepEd. Sa bawat taon, ang DepEd ay nakakatanggap ng isa sa mga pinakalaking budget mula sa pamahalaan, at ngayong 2024, ito ay makakaabot sa halos isang trillion na peso. Ang labis-labis na pera na natatanggap ng DepEd, na dapat ay ginagamit para sa pagpapausbong sa kaalaman ng ating estudyante, ay karaniwang nabibiktima sa kasakiman ng ating mga opisyales.

Noong 2021, sa kasagsagan ng COVID-19 lockdown, inaprubahan ng mga dating namamahala sa DepEd ang paggastos ng halos 2.4 billion na peso para sa pagbili ng mga laptop na ibibigay sa mga estudyante at guro para sa online learning. Ang napakalaking paggastos na ito ay naging paksa ng labis na panghuhusga mula sa masa at sa mga nasa pamahalaan, at dito nabungkal ang napakalalim na pangungurakot. Natagpuan na ang mga computer na kanilang nabili ay luma at higit sa retail price ng mga ito, at dahil dito, gumastos ang DepEd ng halos 979 million na peso higit sa nakatalagang presyo ng mga computer na ito. Ito ay isa lamang sa napakahabang serye ng kapalpakan at pangungurakot sa kamay ng mga opisyales na namumuno sa sistema ng edukasyon sa Pilipinas.

Ang matagalang pag-aalipusta na ito sa ating edukasyon ay maaari na pangunahing dahilan sa pagpasok ng mga estudyante sa mga college review center para lamang makakuha ng mataas na marka sa UPCAT. Kung titignan ang mga palatandaan ng mga mahuhusay na sistema ng edukasyon, ang edukasyon ay hindi lamang dapat magturo ukol sa mahahalagang mga paksa na pang-akademya kagaya ng Mathematics at Science, higit pa dito, ang edukasyon ay dapat na nakapagbibigay sa mga estudyante ng pangmatagalan na pang-unawa ukol sa mga paksa na itinuturo, na siyang dapat isinisigurado ng mga pagsusulit at pagsubok.

Sa ganitong aspeto, masasabi na hindi paraan ang mga college review centers upang makaangat ang mga maykaya sa UPCAT, kung hindi, ito ay naging isang pangangailangan buhat ng labis na pagpapabaya ng mga pampamahalaang institusyon sa edukasyon na siyang natatanggap ng halos 20 million sa ating mga estudyante sa pampublikong paaralan.

Ang Kinabukasan

Sa katotohanan, wala na masyadong magagawa ang pamahalaan upang patigilin ang paggamit ng mga maykaya ng college review center para lamang makaangat sa mga mahihirap sa UPCAT at iba pang mga entrance exam.

Kung ating ninanais na gawing tunay na kapatas-patas ang landas ng lahat upang makapasok sa mga institusyon kagaya ng Unibersidad ng Pilipinas, ang sagot ay nakatago lamang sa isang bagay – edukasyon.


Ang pagsasaayos sa estado ng ating mga paaralan, pagbibigay ng sapat na sahod sa mga guro, at paggastos sa mga kalidad at mapagkakatiwalaan na kagamitan at libro ang siya lamang natatanging paraan upang ating masisigurado na mabigyan natin ang mga estudyante ng pang-unawa at pagkakaintindi sa mga paksa na pang-akademiko na magtatagal at magsisilbing matatag na saligan para sa ating mga estudyante sa kanilang inisyatibang makapasok sa mga unibersidad.

Ang pera, kahit gaano karami ito, ay mayroon ding sariling hangganan sa kapangyarihan na taglay nito, ngunit, ang sapat at kalidad na edukasyon, kahit nagmumukhang maliit na aspeto lamang sa buhay ng tao, ay isang bagay na nakapagsisilbing katalista para sa isang estudyante na makamit ang mga bagay na higit pa sa kanyang ipinapangarap sa buhay.

About the Writer

Related Articles