“XSiklab”: Buwan ng Wika at Kultura 2023
By Yohan Paw (12B)
|2 min read

By: Yohan Paw (12B)
“Ang ibig sabihin ng pagiging Pilipino ay ang pagsasabuhay ng tradisyon at pagdiriwang ng kultura. Bukod dito, ang kultura ay hindi lamang natatapos sa isang henerasyon, ito ay nananatiling buhay at nag-aalab sa pagkilos.”
Ito ang naging pahayag ni Binibining Roxanne De Guzman Guinto, ang tagapamuno ng Buwan ng Wika at Kultura 2023 nang siya’y tinanong ukol sa kanyang pananaw sa kahulugan ng pagiging Pilipino at kung gaano kalawak ang kulturang Filipino habang ipinagdiriwang ang lubos na inaabangan ng mga mag-aaral at guro na Paglulunsad ng Buwan ng Wika at Kultura 2023, na naganap noong Agosto 7, 2023.
Matapos ang halos tatlong taon ng online at hyflex learning, ito ang naging unang pagkakataon kung kailan nagkasama-sama ang mga mag-aaral at guro ng Mataas at Mababang Paaralan ng Xavier para ipagdiwang ang Buwan ng Wika at Kultura sa tema nitong “XSiklab: Kulturang Pilipino Pagningasin, Wikang Filipino Tangkilikin”. Umiikot ang tema sa salitang “siklab” dahil sa pagnanais ng Kagawaran ng Filipino na pasiklabin ang damdamin at kaisipan ng mga guro at mag-aaral para sa kulturang Pilipino. Ibig din ng Kagawaran ng Filipino na magsilbi itong paalala sa komunidad tungkol sa kanilang pamana bilang mga Chinese-Filipino.
Nagsimula ang programa sa pamamagitan ng isang misa na naglaman ng makabuluhang mga pananaw sa peregrinasyon at pinamunuan ni Padre Edryan Paul J. Colmenares, SJ.
Pagkatapos ng misa, nagsimula ang kasiyahan. Para sa paglulunsad ng Buwan ng Wika 2023, inihandog ng isang malawakang koleksyon ng performers ang kani-kanilang mga talento at kakayahan sa iba’t ibang mga larangan ng sining, kagaya ng pagkanta, pagtula at pagsayaw.
Nagsimula ang paglulunsad sa Indak Pilipino ng MNL Dance Prix 2023 Champions na Dance X. Matapos ito, pinangunahan ng De Novo ang pagkanta ng pambansang awit. Sumunod naman na nagtanghal ang Sandugo ng kanilang spoken word na pinamagatang “Tatak Pinoy, Atin ‘To!”, na sinundan naman ng himig Pilipino ng Koro Javier sa pamamagitan ng kanilang pagkanta ng awiting “Ikaw Ang Mahal Ko” ni Levi Celerio.
Bukod pa sa mga pagtatanghal ng ating Xavier School community, nakahanap din ang Kagawaran ng Filipino ng talento sa labas nito, na nanggaling sa BulSU Symphonic Band, BulSU Saring Himig Chorale, at BulSU Lahing Kayumanggi Dance Troupe.
Ang kaganapang ito ay tunay na matagumpay dahil sa pamamagitan ng mga pagtatampok ng mga grupo sa loob at labas ng Paaralang Xavier, tunay na napasiklab ang damdamin at pagmamahal ng buong komunidad para sa kulturang Pilipino. Maging sa pag-awit, sayawan, o spoken word poetry, nabigyang-halaga at tunay na itinampok ng mga ito ang tradisyon at pusong Pilipino.
“Patuloy nating ipakita at ipahayag ang pagmamahal at pagpapahalaga sa wika at kultura kahit hindi buwan ng Agosto.” sabi rin ni Bb. Guinto sa panayam. “…pag-alabin ang damdamin at pag-iisip ng buong komunidad ng paaralan sa pagmamahal sa sining, kultura, panitikan, at wikang Filipino.”

