₱64: Bagong Pamantayan ng Hindi Pagiging “Food-Poor” – NEDA
By Harold Dee (12C)
|3 min read


Ni: Harold Dee (12C)
“The Marcos regime is so out of touch with reality”.
Iyan ang nasabi ni Renato Reyes, Presidente ng Bagong Alyansang Makabayan, sa bagong datos ng National Economic and Development Authority (NEDA) na ipinahihiwatig na kapag gumagastos ang isang tao ng higit sa ₱64 sa pagkain ng tatlong beses sa isang araw, ay hindi na raw mahirap ang isang tao.
Noong Agosto 13, 2024, sa komite ng Senado na pinag-uusapan ang budget ng gobyerno sa susunod na taon, ipinahayag ni NEDA chief Arsenio Balisacan ang pang-araw-araw na gastusin ng isang tao sa pagkain ay sasapat na sa ₱64. Ibig sabihin na humigit-kumulang na ₱20 bawat kain ng kada tao. Malinaw na nakita ang gulat sa mga mukha ng mga Senador nang marinig ang pahayag. Nagulat ang mga Senador at pinasuri muli sa NEDA ang kanilang datos dahil mukhang imposible ang mga numerong ibinahagi nila.
Sa pagpapatuloy ng pagpupulong ng komite, si Department of Trade and Industry (DTI) Undersecretary Amanda Nograles ay hiningan ng komento tungkol sa mga datos na ipinahayag ng NEDA. Ginagamit kasi ng NEDA sa kanilang mga pag-aaral ang mga presyo na itinatakda ng DTI. Imbes na bawiin o hindi sumang- ayon sa datos ng NEDA ay bingyang diin pa ni Nograles ang mga ito. Ayon kay Nograles, “Halimbawa po ang sardinas, P15 to 20 pesos po ang isang lata ng sardinas. Halimbawa po, ang tinapay po, P2 pesos po yung isang pirasong pandesal…Ang gatas po, ang Evap po natin, pumapatak po ng P44 pesos po ‘yung 410 ml. Pero hindi naman po siya mauubos, makukonsumo ng isang araw.”
Nakakagulat na hinihikayat ng undersecretary ng DTI ang pagkonsumo ng mga hindi masustansyang pagkain katulad ng instant noodles, sardinas, at iba pa.
Sa mga pahayag na iyon, maraming mga senador ay nagduda hindi lang sa NEDA, kundi na rin sa DTI at sa Philippines Statistic Authority (PSA) na inaprubahan ang mga datos na ito. Tiningnan ng maraming Senador ang datos ng NEDA na impossible sa ekonomiya ngayon kung saan tumataas ang presyo ng bilihin. Si Senador Koko Pimentel III ay hinihiling ang pinuno ng NEDA na si Arsenio M. Balisacan na magsulat ng isang ulat na nagpapakita ng ebidensya sa kanyang mga imposibleng datos.
Nang matapos ang mga pulong ng komiteng ito ay nagpakita ng dismaya ang netizens sa social media. Maraming netizens ang naglabas ng kanilang mga saloobin tungkol sa isyung ito sa Facebook, X at kahit na sa Tiktok. Sari-saring mga memes, reels at social experiements ang nagkalat online tungkol sa paggastos lamang ng ₱64 sa pagkain bawat araw.
May mga ibang netizen na nagbigay ng babala, “Kaya next time, pumili ng tamang iboto, sating mamayan din ang naka salalay kung sino ang gusto nating ma loklok. Kaya be wise next time.”
May iba pang netizen ay inilabas ang galit sa pahayag ng NEDA, “Minsan kc (kasi) labas labas din sa aircon…wag mag depend sa food vloggers lng….punta kayo sa masa”
Itinataas ng isyu ang tanong kung out-of-touch ba ang pamahalaan ng Pilipinas sa realidad na hinaharap ng mga mahihirap na mamamayan ng Pilipinas. Mas nabibigyan ng diin pa ang isyung ito dahil sa gabay sa nutrition ng Food and Nutrition Research Institute (FNRI) Basket kung saan nababanggit ang mga kailangan kainin ng mga Pilipino sa iba’t ibang edad. Ang mga pagkain na nabanggit dito ay hindi kayang mabili ng ₱20 lamang katulad ng isda o karne. Kakatwa rin na inaprubahan ng FNRI ang bagong threshold ng NEDA, kaya maraming mga lider ng iba’t ibang organisasyon ay inaya ang pinuno ng NEDA na mabuhay ng isang linggo sa presyong ibinahagi niya. Pagkatapos tawagin ang pamahalaan ni Pangulong Bong Bong Marcos na “out-of-touch” ay sinabi ni Reyes, “This is the kind of thinking that keeps wages low and covers up poverty in the country. Redefining poverty will not make it go away.”
Sanggunian:
Abarca, C. (2024, August 14). You’re not food poor if you spend at least p64 daily for meals – Neda. INQUIRER.net. https://newsinfo.inquirer.net/1972427/pinoys-spending-more-than-p64-for-meals-a-day-not-food-poor-neda-data
LLANESCA T. PANTI, G. I. N. (2024, August 14). DTI ticks off food ideas within P64-a-day threshold. GMA News Online. https://www.gmanetwork.com/news/topstories/nation/917112/solon-asks-dti-what-can-p64-buy-for-three-meals-a-day/story/
Mayen Jaymalin, E. T. (2024, August 14). Neda officials told: Live on P64/day food budget. Philstar.com. https://www.philstar.com/nation/2024/08/15/2377955/neda-officials-told-live-p64day-food-budget Team, R. N. (2024, August 14). Bagong depinisyon ng Pamahalaan Sa “food poor” binatikos ng Bayan – remate online. Remate Online – ANG DYARYO NG MASA ONLINE. https://remate.ph/bagong-depinisyon-ng-pamahalaan-sa-food-poor-binatikos-ng-bayan/

