ALAB: Paglulunsad ng Buwan ng Wika at Kultura 2024
By Hugh Chong (7B) and Jose Reloza (10H)
|2 min read

Ni: Hugh Chong (7B) at Jose Reloza (10H)
Inilunsad ang Buwan ng Wika at Kultura 2024 sa Paaralang Xavier kahapon, Agosto 9. Ayon sa Kagawaran ng Filipino at Sandugo, ang tema ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika at Kultura ngayong taon ay Alab: Wika’y Isapuso, Kultura’y Yakaping Buo. Hinihikayat ng tema ang mga mag-aaral at mga guro na pag-alabin ang kanilang pagka-Pilipino, sa pagyakap at pagsasapuso ng Wika at Kulturang Filipino. Mahalaga ang pagdiriwang na ito, lalo na para sa kabataan ng bansa dahil ito ay nagbibigay ng sariling pagkakilanlan bilang Pilipino. Sa pamamagitan ng ating kultura at tradisyon, mas mapapalalim ang pagmamahal para sa ating mga kababayan at bansa.
Sinimulan ang pagdiriwang ng banal na Misa sa Rafael Cortina Sports Center na pinangunahan ni Fr. Felipe Yohan, SJ. Pagkatapos ng misa ay isinagawa ang programang Pasinaya: Paglulunsad ng Buwan ng Wika at Kultura na inihanda ng makatuwang na Kagawaran ng Filipino sa Mababa at Mataas na Paaralan.
Ito ay ginawa sa pamamagitan ng makulay at natatanging paglunsad ng kultura at tradisyong Pilipino. Kitang kita ito sa Parada ng mga Kasuotang Pilipino kung saan ang mga kinatawan ng bawat kagawaran at klase ay nakasuot ng iba’t ibang makukulay at magagarang kasuotang Filipino. Ang parada ay sinundan ng isang pasabog na pagtatanghal ng Dance X at pag-awit ng masisiglang awiting Pilipino ng ilang mga guro mula sa Mababa at Mataas na Paaralan. Umawit din ang Koro Javier ng kanilang bersiyon ng awiting Manila.
Nag-imbita rin ang paaralan ng mga propesyonal na mananayaw at musikero, ang grupong PNU Rondalla, at ang PNU Kislap Sining Dance Troupe na sikat rin sa mga pagtatanghal sa ibang bansa tulad ng Amerika at Singapore. Nagkaroon din ng kakaiba at masiglang pagtatanghal mula sa grupong DMD Baraptasan. Ito ay ang pinagsamang rap o FlipTop, isang popular na panibagong uri ng “musika” sa Pilipinas, at ang pagpapalabas ng mga mahahalagang paksa o mga kasalukuyang isyu na hinaharap ng bayan katulad ng maling impormasyon, social media, at iba pa.
Pagkatapos ng programa, bumalik ang mga mag-aaral sa kani-kanilang mga silid-aralan para sa salo-salo at gawaing panklase.
Masaya ang naging pagdiriwang ng buong Paaralang Xavier sa paglunsad ng Buwan ng Wika at Kultura 2024. Ito ang simula ng pagdiriwang ng ating wikat at kultura ngayong buong buwan ng Agosto sapagkat marami pang inihandang gawain ang Kagawaran ng Filipino upang hikayatin ang mga mag-aaral na makibahagi sa mga ito upang maipagmalaki ang kanilang pagiging Filipino.
Narito ang iba’t ibang gawain para sa Buwan ng Wika at Kultura:
Junior High School:
- Lakanlahi 2024
- PalakaXSan: Larong Pilipino
- OPMinutes
- Sa Apat na XSulok: Wika’t Kultura’y Pinag-alab (Pagdidisenyo ng Bulletin Board)
Senior High School:
- Larong Pinoy (Mentoring Period)
- Edi E-Bingo Mo!
- Jukebox King

