Stallion
Stallion

The official trilingual publication of Xavier School, est. 1962.

Filipino

Ang Tanging Pamana

By Shaun Jethro Lim (G12)

|1 min read

0 views
Ang Tanging Pamana

Isinulat ni Shaun Jethro Lim (G12)

O bandila
Na parang agilang lumilipad nang malaya
Ang bawat alon sa makinis mong tela
Nagsisilbing paalala sa kalayaan na ipinamana

Ang iyong araw
Kung makasikat ang niyaring ilaw
At ang kaniyang mga silahis na napakadilaw
Kaming mga taong bayan ay napupukaw

Ang tatlo mong bituin
Sa puting kalawakan ay umaagaw ng tingin
Sa bawat kislap ng pag-asa’y nais sabihin
Na kahit kailan ay hindi na tayo magiging alipin

Ang tatsulok mong maputi
Wangis niya’y malapad na pakpak ng kalapati
At ang kaniyang tatlong gilid na magkakasimpantay
Ang siyang sumasagisag sa karapatang laon nating hinintay

Ang sa iyong ibabaw na bughaw
Animo’y kulay ng langit na napakalinaw
Kagaya ng diwa ng kalayaan na palaging lumilitaw
Sapagkat ang ating paglalaban ay palaging natatanaw

At ang iyong ilalim na pula
Na parang dugo at tapang ng mga lahing mandirigma
Ang siyang nagpapahiwatig na ang pagiging malaya
Ay para sa mga kabataan upang sa kanila ay ipamana

O bandila
Na nagpapakitang gilas sa mga kulay mong dakila
Kumakatawan ka bilang isang paalala
Na kaming mga anak ng bayan ay nabubuhay nang malaya

O kalayaan
Isang biyaya na kahit kailan ay hindi mananakaw ng kahit sinong dayuhan
Ang tanging nagpapatibok ng bawat puso ng sambayanan
At liwanag na siyang gagabay tungo sa aming kinabukasan

Larawan mula sa: https://www.shutterstock.com/video/clip-17910391-4k-philippine-flag-animated-background-features-high

About the Writer

Related Articles