Ating Pasko
By Jose Miguel Guiang (10A)
|4 min read
Isinulat ni Jose Miguel Guiang (10A)
Ang pagkain ay isa sa mga pinakamahalagang bahagi ng kulturang Pilipino. May okasyon man o wala, hindi nawawala ang masasarap na pagkain sa bawat araw. Ito ay lalo na kapag mayroong pagdidiwang na nagaganap katulad ng pasko. Isa sa mga mahalagang bahagi ng kulturang Pilipino ito at kaya tuwing Disyembre, mayroong makikitang mga salu-salo na nagaganap sa bawat sulok ng Pilipinas, maliit man o malaki. Ang pagkain ay palaging malaking bahagi ng Paskong Pilipino dahil ito ang inihahanda at pinagkakasayahan ng mga pamilya tuwing Noche Buena. Ipapakita dito ang lima sa mga paboritong pagkaing pampasko ng mga Pilipino.
Queso De Bola
Ang Queso De Bola, o Edam ay dinala ng mga kastila sa Pilipinas noong sinakop nila ang bansa. Nanggaling ang keso sa Holland. Pagdating sa itsura, ang hugis ay bilog, ang labas naman ay mayroong balat na gawa sa pulang parapina, at ang kulay ng loob ay maputlang dilaw. Hindi katulad ng ibang tipo ng keso, sa unang bukas, ang Queso De Bola ay hindi gaano katigas, ngunit hindi rin naman kasing lambot ng mga karaniwang keso katulad ng Eden. Hindi ito madaling mapanis dahil sa parapina at tumitigas lamang tuwing naiiwang bukas. Karaniwan itong kinakain bilang palaman sa Pandesal at kasama ng Hamon. Ang Queso De Bola ay matamis, maalat, at malinamnam. Minsan rin ay ginagamit ito sa Ensaymada at Bibingka. Nirerepresenta nito ang kayamanan dahil sa kanyang hugis at swerte dahil sa kanyang pulang balat.
Tablea
Ang Tablea ay gawa sa giniling na Cacao at ginawang hugis bilog. Ngunit, iba ang Cacao sa tsokolate na nakikita natin sa mga supermarket dahil hindi tinatanggal ang mantika sa Cacao bago ito ibenta. Hindi rin ito napapanis. Karaniwang ito ay pinapatunaw sa kumukulong tubig o gatas at hinahaluan ng asukal. Katulad ng Queso De Bola, dinala ng mga kastila ang Cacao sa Pilipinas noong sinakop nila ang bansa. Noong napatubo nila ang Cacao dito, ginawa nila itong inumin dahil inumin lang rin naman ang ginagawa dito sa Mehiko. Noon, kung pumunta ka sa isang taniman ng Cacao, kung ikaw ay nirerespeto, bibigyan ka ng baso ng Tsokolate. Iniinom ito sa Pasko dahil sa malamig na panahon na dala ng mga buwan ng disyembre at nobyembre.
Bibingka
Ang Bibingka ay isang malagkit at dilaw na tinapay na gawa sa galapong, gata, asukal, mantikilya at iba pa. Karaniwang ito ay may keso at itlog na maalat. Ang tradisyonal na pagluluto nito ay sa uling at nilalagay sa dahon ng saging sa loob ng isang kakaibang lutuan na gawa sa luwad. Ito ay matamis at may kaunting alat dahil sa keso at binebenta ito sa labas ng o malapit sa simbahan. Pagkatapos ng misa, pinupuntahan ng mga tao ang mga nagbebenta ng bibingka para makakain ng merienda, lalo na sa mga araw bago magpasko para sa Misa De Gallo. Hindi malinaw kung saan unang ginawa ang Bibingka ngunit, sinasabing ito ay binenta sa labas ng Simbahan para sa mga magsasaka na diretso pupunta sa bukid pagkatapos ng Simbang Gabi. Ang tradisyon ng pagkain ng Bibingka pagkatapos ng Simbang Gabi ay isa sa mga pinakapaboritong gawin ng mga Pilipino at nagpapatuloy hanggang ngayon.
Puto Bumbong
Ang Puto Bumbong ay isang uri ng kakanin na madalas binebenta rin sa may simbahan kasabay ang Bibingka. Ito ay malagkit, matamis at kulay-ube. Gawa ito sa ibang klase ng bigas na ang tawag ay pirurutong. Ang pirurutong ay may maitim na kulay lila. Ito ay sinasama sa malagkit na bigas at binababad sa tubig-alat nang matagal. Tsaka ito iginigiling at papatuyuin hanggang ito ay mamasa-masa, at ilalagay sa isang lutuan na gawa sa kawayan hanggang maluto. Karaniwan mo itong makikitang may mantikilya, niyog at asukal. Hindi rin malinaw kung saan ito unang ginawa, ngunit kasama rin nito ang Bibingka bilang pagkaing kinakain ng mga magsasaka pagkatapos ng Simbang Gabi.
Fruit Salad/Buko Salad
Ang Buko Salad at Fruit Salad ay karaniwang pagkaing inihahanda sa Pasko bilang panghimagas, lalo na sa Noche Buena. Halos parehas lang ang paggawa ng dalawang ito, pwera sa buko para sa Buko Salad. Ito ay hinahanda nang malamig. Madalas ginagamit ang Fruit Cocktail, Buko, Nata de Coco, Kaong, krema, at evaporada upang makuha ang malinamnam at matamis na lasa. Ang Fruit Salad ay napunta sa PIlipinas dahil sa mga Amerikano. Ang Fruit Cocktail ay isa sa mga pagkain na pinadala nila sa mga giyera, ngunit sa bawat pamilya, mayroong mga kaibahan sa kanilang nilalagay na laman. Maraming tao sa Pilipinas ay gumagawa ng kanilang sariling bersyon gamit ang mga Pilipinong prutas katulad ng mga nabanggit. Nakasanayan ng mga Pilpino kumain ng Fruit Salad sa mga handaan at piesta, ngunit ito ay madalas na inuugnay sa Pasko.
Sa pandemya, maraming buhay ng mamamayang Pilipino ay naapektuhan. Ngunit, hinding hindi mawawala ang mga tradisyon ng Pasko sa kanilang puso at isip. Malungkot man, o hindi, makakita lang ng pandesal at Queso de Bola, o tindahan ng Puto Bumbong at Bibingka sa labas ng simbahan, bigla na lang lilitaw ang ngiti sa kanilang mukha. Ang mga pagkaing ito ay paborito ng mga Pilipino dahil sa kanilang lasa, presyo na di gaanong mahal, kasaysayan, at ang binibigay na saya at alaala ng mga nito. Kaya ngayong pasko, sana ay maligaya ang inyong Noche Buena at masiyahan ang inyong dila.
Mga Sanggunian:
- https://manilasun.com/queso-de-bola/
- https://www.yummy.ph/lessons/cooking/how-to-use-queso-de-bola-in-recipes-a00249-20201220-lfrm
- https://www.aboutfilipinofood.com/queso-de-bola/
- https://panlasangpinoy.com/rice-cake-bibingka-recipe/
- https://www.delightedcooking.com/what-is-bibingka.htm
- https://nolisoli.ph/53909/bibingka-puto-bumbong-history-cyamsuan-20181214/
- https://cnnphilippines.com/life/leisure/food/2016/12/19/christmas-bibingka.html
- https://www.google.com/url?sa=i&url=https%3A%2F%2Fthehungrykat.com%2Fpost%2F628863249152196608%2Fadiesdelight&psig=AOvVaw0uhpau3rK4dc4H11DlSsXa&ust=1639374415822000&source=images&cd=vfe&ved=0CAsQjRxqFwoTCOi44ujH3fQCFQAAAAAdAAAAABAD
- https://www.atlasobscura.com/foods/puto-bumbong
- https://www.philstar.com/the-freeman/cebu-lifestyle/2020/12/18/2064668/fruit-salad
- https://panlasangpinoy.com/buko-salad/
- https://www.lutongbahayrecipe.com/wp-content/uploads/2019/04/lutong-bahay-fruit-salad-678×381.jpg
- https://panlasangpinoy.com/buko-salad/
- https://damecacao.com/tablea-tableya-sikwate/
- https://pilipinasrecipes.com/wp-content/uploads/2017/03/Tablea-Tsokolate-Recipe.jpg
- https://www.lutongpinoyrecipe.com/wp-content/uploads/2020/12/lutong-pinoy-puto-bumbong-1200×1200.jpg

