Bilang Pilipino, Paano Ba Tayo Makatutugon nang may Karunungan sa Sitwasyon Ngayon?
By aidangocheco
|3 min read

Pagwasak
Ang bayan ay isang malaking grupo ng taong magkatulad ang kultura, wika, at paniniwala. Sila ay nakikisama sa isa’t isa upang makamtan ang kanilang kinakailangan. Ang estado ay isang institusyon na may sariling gobyerno, teritoryo, soberanya, at tao. Isa itong pampulitikang kaisipan. Naglilingkod ang pamahalaan sa kanilang pinamumunuang tao upang mapanatili ang kapayapaan. Ang bayan ay mananatiling nagkakaisa basta’t magkakapareho ang mga pagnanasa ng mga mamamayan nito.
Sa panahon na ito ng karimlan, tila nakalimutan na ng mga Pinoy ang kanilang identidad. Napuno na ng galit, paninisi, at pighati ang lipunan. Ang pagdurusa na ito ay ginagamit ng iba bilang isang dahilan upang magreklamo sa ating pamahalaan. Ang iba naman ay binabalewala na lang ang lahat; kumikilos sila ayon sa kanilang sariling pasya nang walang pagpapahalaga sa iba. Ang bunga ng kasakiman ng mga taong ganito ay ang mahirap nilang kalagayan. Nawasak na ba ang ating pag-asa?
Ang kalagayan ng Pilipinas ay patuloy na lumalala, at ang katalista nito ay ang sakit na COVID-19. Ito ang lason na sumisira at nagdadala ng gulo sa ating katatagan bilang nagkakaisang Pilipino – isang bayang nakaranas ng napakaraming kaguluhan. Pagkatapos ng pagdanas ng pagbagsak ng kidlat ng Yolanda at pagbuga ng abo ng Taal, bakit tila hindi na kinaya ng Pilipinas ang isang napakaliit at napakabagsik na virus? Ang sagot sa tanong na ito ay simple lamang: nawawala ang ating diwa ng pagmamahal at pag-intindi bilang mga tao.

Pagsusugat
Ang ating mga pinuno ay patuloy na lumalabag sa batas at sumusuway sa mga dapat gawin. Ngunit bakit patuloy pa rin tayong nabibiktima sa kanilang pagkabigo bilang kinatawan ng pamahalaan?
Ilang Mga Pinuno At Ang Kanilang Mga Kontribusyon
Mayor Joy Belmonte: Pinauwi ang tatlong pasyente na positibo sa COVID-19; dumalaw sa mga bahay ng mga taga-Quezon City
Pinsala: Lalong kumalat ang virus sa Quezon City
Senator Koko Pimentel: Sinamahan ang kanyang asawa sa ospital
Pinsala: Ipinahamak ang buhay ng mga nasa Makati Medical City
DOH: Nagbigay ng Php 500 na allowance
Pinsala: Nagalit ang mga health workers at dahil dito nawalan ng health workers ang Pilipinas
Presidente Duterte: Nagbigay ng napakamakabuluhang talumpati na walang bungang maganda
Pinsala: Walang magawa ang mga tao sa bahay kundi makipag-away sa social media dala ng pagkainip
Kung tutuusin, siguro wala lang silang alam o wala silang pakialam (maaring pareho). Ang kanilang mga pagkilos ay magiging sanhi ng tuloy-tuloy na pagkamatay ng mga tao. Bawat araw, ipinapakita ng gobyerno ang mga pagkukulang at ang mga walang saysay nitong intensyon at layon para lang sa kanilang kagalingan.
Wala na tayong oras na maghintay para sa 2022 eleksyon. Bawal na rin tayong lumabas kung ayaw natin maparusahan ng estado. Wala na ring silbi ang pagreklamo sa FB o twitter.

Pagkalat
Ang problema natin ay hindi ang gobyerno. Ang pangunahing suliranin natin ay ang ating pagdama at pag-unawa sa mga pangyayari at paano tayo kumikilos ayon dito.
Nang lumaganap ang iba’t ibang uri ng social media tulad ng Facebook, Twitter at Instagram, nailagay sa ating mga kamay ang kakayahan na maibahagi ang sarili nating pananaw sa mga kaganapan ng ating paligid. Hindi na tayo naghihintay ng balita mula sa telebisyon o radyo, tayo na mismo ang nagbabalita sa isa’t isa. Ngunit, ano ba ang ating ginagamit na pamantayan para mapanatili ang integridad ng balita? Para masiguro na ang ating ibinabalita ay totoo? Kailan naging sandata ang social media upang magbalita ng fake news, na nagiging sanhi ng pagkalito at kadalasan ay hindi labis na nauunawaan?
Ang lahat ng ito ay nagmula sa ating pagkamakasarili. Nabulag tayo. Hindi na rin tayo naiiba sa mga pinuno ng bayan.
Pagbawi
Angkop na ang oras ngayon para sa pagkilos at pagbabago. Kung hindi tayo magbabago, walang magbabago sa mundo. Kailangan natin panindigan ang ating pinaniniwalaan. Hindi tayo maaring bumigay dahil lang sa mga ginagawa ng iba. Patibayin at palakasin natin ang ating integridad bilang tao. Kung kaya nating gawin ito, kaya din nating magsama-samang magsumikap. Upang kalabanin ang COVID-19, kailangan natin pagsamahin ang sarili at kolektibong pag-iisip at pagkilos.
Isa lang ito sa maraming hamon sa buhay. Pagkabigo. Pagsisikap. Pagbangon.

