Stallion
Stallion

The official trilingual publication of Xavier School, est. 1962.

Filipino

Buhay Lockdown

By Ravi Keane G. Tan

|3 min read

0 views
Buhay Lockdown

Lockdown: Kain. Tulog. Telepono. Telebisyon. Laro.

Habang nagbabakasyon ngayon ang mga estudyante, halata pa rin ang napakaraming Pilipino na naghihirap at nagdudurusa.

Ang mga buwan ng Marso, April, at Mayo o panahon ng tag-araw ay laging inaabangan ng maraming Pilipino. Para sa ating mga estudyante, ito ay ang panahon para makapagpahinga. Para naman sa mga nagtatrabaho at negosyante, ito ay kanilang pagkakataon para kumita. Dahil sa pagbugso ng Coronavirus, tunay na kakaiba ang karanasan ng mga Pilipino ngayong taon. Mabilis na kumalat ang Coronavirus sa Pilipinas, at napilitan tuloy ang ating gobyernong na magsagawa ng isang lockdown. Mabuti ang ambag ng lockdown dahil mapipigilan ang pagkalat ng virus sa ating bansa kung susundin ito ng mga tao, ngunit kapalit nito ang biglang pagtigil ng karamihang negosyo. Siyasatin natin ang epekto ng lockdown sa tatlong Pilipinong na nagmumula sa iba’t ibang sektor ng lipunan.

Isa sa mga apektado ng ating sitwasyon ay ang mga kumpanya at negosyo na sarado ngayon dahil sa lockdown. Si Aldrick Diaz ay isang nagmamay-ari ng negosyo. Gumagawa sila ng iba’t ibang mga paninda katulad ng damit, pitaka, payong, panulat, at mga pinamimigay ng mga ibang kumpanya. Mataas ang inaasahan na benta ngayong panahon, ngunit ayon sa kanya, “dahil sa Coronavirus at lockdown, walang tao, kahit isa, ang bumibili sa amin ngayon, at lahat ng paggawa ng produkto ay naitigil.” Bilang isang tatay, maraming responsibilidad si Aldick at kaya sinasabi niya, “mahirap ngayon dahil walang kumikita ng pera, at pagbibilhan ng mga kailangan sa bahay, ngunit naghahanap kami ng ibang pagkukunan ng pera.” Sa kabila ng pagtigil nila ng negosyo, gumagawa ang kanilang pamilya sa bahay ng mga PPEs o personal protective equipment para sa mga iba’t ibang institusyon. “Konti lang ang bayad dito at minsan libre lang ang pagbigay nito para makatulong sa bansa, pero kahit papaano, ok lang, basta’t nakakakuha parin ng kita,” ang sabi naman ni Aldrick tungkol sa ginawa nilang solusyon.

Ang kinakatakutan ni Aldrick ngayon ay ang kalagayan ng maraming Pilipino. Sabi ni Aldrick, “Mas natatakot ako para sa aking mga empleyado at ang kanilang pamilya, marami sa kanila ay humihingi ng kanilang sweldo para sa susunod na buwan dahil kailangan nila ng pera.” Kung nagsasara ang mga negosyo, ang naapektuhan naman nito ay ang mga empleyado na nawalan ng trabaho. Isang halimbawa dito ay si Roe Aguila na nagtatrabaho sa kumpanyang GirlStuff. Masipag siyang nagtratrabaho para maalagaan niya ang kanyang mga magulang, ngunit higit na naghihirap siya ngayon dahil sa Coronavirus at lockdown. Sabi ni Roe, “Dahil sa Extended Community Quarantine at Lockdown, hindi kami makalabas ng bahay para magtrabaho, at hamon ang pagpunta ng grocery dahil malayo ito sa bahay namin”. Sa kawalan ng transportasyon, may mga iba’t ibang kailangan ang pamilya ni Roe na hindi nila mabili. Ang hindi maisip ni Roe ay ang magiging kalagayan nila pagkatapos ng lockdown. “Mahirap ngayon ang aming kalagayan, dahil walang nagtratrabaho, wala rin kaming income at mauubos ang aming savings na aming gagamitin kapag matuloy pa ang lockdown,” ang dagdag niya tungkol sa kanyang kalagayan.

Sa sitwasyon na dinala ng lockdown , marami ang nagkaroon ng panahon para makasama ang pamilya, ngunit may mga ibang Pilipino na hindi na nabigyan ng pagkakataon makauwi sa kanilang mga pamilya. Isang halimbawa ng mga taong hindi kasama ang kanilang pamilya ay ang mga OFW, kasambahay, at driver. Isa sa mga taong ito ay si Conching Agua na nagtatrabaho bilang kasambahay sa Quezon City. “Sa trabaho ko, umuuwi ako sa amin tuwing Biyernes at bumabalik tuwing Lunes, pero dalawang linggo na, hindi ko pa nakikita ang aking pamilya,” ang sabi ni Conching nang malungkot tungkol sa epekto ng lockdown. Nag-aalala daw siya para sa kalagayan ng kanyang asawa, ngunit wala siyang magawa kundi sumunod sa patakaran ng ating gobyerno. Hindi na siya nakakalabas ng Maynila para umuwi sa Bulacan, kung saan sila naninirahang mag-asawa. Dagdag pa niya, “Ito na din ang ambag ko para hindi makakuha ng kahit anong sakit ang pamilya ko. Kailangan ko rin magtrabaho para pagkatapos ng lockdown maging maayos pa rin ang pamilya ko.”

Si Aldrick, Roe, at Conching ay tatlo lang sa maraming Pilipino na naapektuhan ng kasalukuyang sitwasyon. Nakakalungkot na maraming pamilya ang nailagay sa krisis at nangangailangan ng tulong para mabuhay. Maganda naman ang layunin ng lockdown ngayon at kailangan ito sundan. Hindi rin maiiwasan na pagisipan kung ano ang magiging kalagayan ng mga Pilipino pagkatapos ng lockdown. Ngunit, ang mahalaga dapat natin na pagisipan ay kung paano tayo babangon sa mga epekto ng Coronavirus.

About the Writer

Related Articles