Dekada ‘70: Pagsusuri sa paghihirap at tagumpay ng kababaihan
By Jared Lumanlan (12B)
|4 min read

Isinulat ni: Jared Lumanlan (12B)
“It’s a man’s world” ika nga ni Julian Bartolome, ang asawa ni Amanda na dahilan ng kanyang pagkabigo bilang isang babae. Sa kabuuan ng nobelang Dekada ‘70, nagawang hindi lamang pag-usapan ni Lualhati Bautista ang panahon ng Pilipinas sa ilalim ng rehimen ni Marcos Sr. kundi pati na rin ang patriyarkal na istrukturang humahadlang sa paghubog ng pagkatao ng mga kababaihan. Mula sa pagkukwento at pananaw ni Amanda, makikita natin ang tema ng feminismo sa isang babaeng noong una ay nakakadena sa kanyang nakatakdang papel sa lipunan hanggang sa kanyang pagiging malaya. Nais ipakita ni Lualhati Bautista na ang kababaihan ay higit pa sa kanilang tradisyunal at kinaugaliang tungkulin. Ang mga babae ay mamamayan din ng kanyang bayan. Hindi siya dapat manatili lamang sa maliit na silid sapagkat nananahan din siya sa daigdig. Ang kanyang mga kamay ay para din tumulong sa pagtawid ng bangka ng pagbabago.
Nang matapos ko ang pagbabasa ng aklat, napagtanto ko na napakabisa ang paggamit ng unang pananaw ng isang ina na ang buhay ay umiikot sa kanyang pamilyang puno ng mga kalalakihan. Dahil sa pagsasalaysay ni Amanda, nakikita natin ang kanyang mga pagpapalagay, mga himutok, mga muni-muni, mga pagnanais, ang kanyang bawat emosyon. Sa ikalawang kabanata pa lang, naipapahayag na ni Amanda ang kanyang pagkabigo. Tumatak sa akin ang pahayag niya nang sabihin niya na ang tanging uri ng kalayaan na hindi mananakaw ng kahit sino ay ang kanyang kalayaang mag-isip. Palagi kong naaalala ang linyang ito habang binabasa ang kwento sapagkat napagtanto ko na sa lahat ng mga kalayaan na itinatanggi kay Amanda, hindi nila kayang tanggalin ang pinakamahalaga niyang kapangyarihan na magkaroon ng sariling isipan na para sa akin ay naging instrumento ng kanyang pagbabago sa kwento. Ang kanyang malaya at bukas na kaisipan ay siyang nagbibigay sa kanya ng anumang pagkakataon na hanapin ang kanyang kahulugan bilang babae.
Ang pagnanais ni Amanda na maging higit sa isang asawa at ina ay ipinakita sa kanyang interes na magtrabaho sa advertising ngunit ito’y hindi pinayagan ni Julian dahil daw lalaki ang dapat nagtataguyod ng pamilya. Nagalit pa nga ito nang humingi si Amanda ng permiso. Ipinahayag naman ni Amanda ang dismaya sa kanyang pagsasalaysay. Dito ko nakita na si Amanda ay isang babaeng gusto lang talaga magkaroon ng pakiramdam ng sarili at pagpapasiya. Hinahanap niya ang sariling pagkakakilanlan na higit sa papel niya bilang nanay o asawa.
Sa tingin ko, dahil umiikot ang kwento sa tema ng feminismo at papel ng kababaihan, mahalagang banggitin ang papel nina Evelyn at Mara sa pagkatao ni Amanda. Sina Evelyn at Mara ay maituturing na foil character kay Amanda o mga tauhan na may mga katangiang kabaligtaran na naging paghamon sa pagkababae ni Amanda. Sa kabanata 14, nagpasya mismo si Evelyn na makipaghiwalay na kay Gani at hindi na sumunod sa Amerika. Medyo sumama ang loob ni Amanda na marinig ang desisyon ni Evelyn pero may halo rin ng hiya ang kanyang nararamdaman dahil alam ni Amanda na sa bahay at buhay niya, hindi siya ang higit na nagpapasiya. Ayon nga sa kanya, wala siyang karapatang magalit kay Evelyn dahil sariling buhay niya ang pinagdedesisyunan. Sa kabanatang ito, tila sumibol din ang interes ni Amanda na makipaghiwalay kay Julian. Nang makausap ang kanyang asawa, tinanong ni Amanda kung ano ang palagay ni Julian sa mag-asawang nagkakahiwalay. Uminit ang ulo ni Julian sa usapang ito habang sinikap ni Amanda na ipaliwanag ang totoong dahilan kung bakit gustong makipaghiwalay ang isang babae: ang paghahanap ng silbi at katuparan bilang isang tao na hindi nauunawaan ni Julian. Nakabaon sa mga chauvinistic na pag-iisip si Julian kung saan ang tanging dahilan ng paghihiwalay ay nakasalalay sa pagiging pabaya ng lalaki o ang kanyang pagkukulang na kumayod para sa pamilya. Sa dulong bahagi ng usapan, biglang ibinunyag ni Amanda na si Evelyn ang kanyang tinutukoy ngunit hindi pa rin maintindihan ni Julian na tungkol din sa kanilang relasyon ang gustong iparamdam ni Amanda.
Bukod sa pagiging foil character ni Evelyn, siguro nagkaroon din ng papel si Mara sa magiging papel ni Amanda bilang isang pagtawid ng bangka ng pagbabago. Nang ipakilala ni Jules si Mara sa kanyang ina, napagtanto ni Amanda na mahal ni Jules si Mara dahil pareho ang kanilang inaasam sa buhay. Sabi nga ni Amanda sa kabanata 20: “nakakainggit ang pagkakasundo ng mga isip nila’t loob.” Para sa akin, ang relasyon ni Jules at Mara ay isang kabaligtaran ng relasyon ni Amanda at Julian na maaaring nagkaroon ng epekto sa pagnanasa ni Amanda na maging malaya. Sa kabanata 27, nag-usap ang mag-asawang Bartolome at dito nila binanggit ang relasyon nina Jules at Mara. Nangatwiran si Amanda na maski hiwalay sina Jules at Mara, close sila; hindi tulad ng iba na hindi hiwalay pero hindi naman close. Itong paniniwala ay nagtulak kay Amanda ang ibig niyang makipaghiwalay na kay Julian.
Sa huling kabanata, ang lakas at malayang isipan ni Amanda ay nagdulot sa mas kumpletong pagkatao. Sa kabila ng pag-aapi sa kanya, nagawa niyang hanapin ang kanyang kahulugan at katuparan bilang isang tao at babae. Nagsilbing inspirasyon ang buhay nina Jules at Mara sa bago niyang papel sa lipunan. Nasiyahan na si Amanda na mag-ampon at mag-alaga ng mga sugatan pero matatapang na tao na naging parte sa paglaban para sa kalayaan. Sa wakas, natuklasan ni Amanda na maaari siyang maging tulay ng pagbabago at hindi lamang babaeng tagasilbi ng pamilya at asawa. Hindi na ninais ni Amanda at Julian na sumunod kay Gani sa States dahil para kay Amanda, nasa Pilipinas ang laban. Nasa Pilipinas ang kanyang katuparan at oportunidad na may maiambag sa mundo. Sa laban para sa kalayaan, natagpuan niya ang kanyang sarili—ang identidad na matagal niyang hinanap.

