Stallion
Stallion

The official trilingual publication of Xavier School, est. 1962.

Filipino

FAQ ukol sa Impeachment: VP Sara Edition

By Stallion Wordpress

|8 min read

0 views
FAQ ukol sa Impeachment: VP Sara Edition

The Source

Mahigit tatlong buwan na ang nakalipas mula nang napagpasyahan ng mahigit 200 miyembro ng Kamara na iakyat sa Senado ang impeachment trial ni Bise Presidente Sara Z. Duterte — ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring malinaw na aksyon upang masimulan ang trial proper

Kaya tayo naman ay napapatanong, “Ano na ngayon?”

“Saan nga ba ito nagsimula?”

Noong Pebrero 5, 2025, matapos ihain sa Kamara ang ikaapat na impeachment complaint laban kay Bise Presidente Sara Duterte, bumoto ng pabor ang 215 sa 306 na mga kongresista ng 19th Congress para sa complaint — higit sa one-thirds majority o isang-katlong mayorya na kinakailangan upang maaprubahan ang ganitong inisyatiba nang nakatakda sa Article 11, Section 3 ng Saligang Batas.

Ayon sa Articles of Impeachment na laman ng complaint, kung saan nilalahad ang mga paratang laban sa nakasuhang opisyal at ang basehan ng pagpapasibak sa nasabing indibidwal mula sa pamahalaan, ipinatatanggal si Duterte sa kanyang puwesto bilang Ikalawang Pangulo ng Pilipinas bunsod ng:

  • Betrayal of public trust (Pagtataksil sa tiwala ng sambayanan)
  • Culpable violation of the constitution (Paglabag sa Saligang Batas)
  • Graft and corruption (Katiwalian at korupsiyon)

Ito ay matapos lantarang inamin ni Duterte sa isang Zoom conference noong Nobyembre 2024 ang kanyang mga ginawang hakbang laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kagaya ng pakikipag-usap sa isang hitman upang patayin ang pangulo kung siya daw ay pinatay. Ani Duterte, “May kinausap na ako na tao. Sinabi ko sa kanya, patayin mo si BBM (Pangulong Marcos), si Liza Araneta, at si Martin Romualdez.”

Bukod dito, nasangkot si Duterte sa sandamakmak na kontrobersiyang pumapaligid sa kaniyang kaduda-dudang paggamit ng pondo, lalo na ukol sa kanyang mga confidential funds na umabot ng mahigit sa 612 million noong 2024 — na malaking porsyento umano’y ibinahagi bilang mga bonus sa 677 na mga empleyado ng Kagawaran ng Edukasyon o DepEd. Bagamat, ayon sa isinagawang paglilitis ng House Committee on Good Government and Public Accountability, halos 60% sa mga empleyado ng DepEd na nakatanggap ng confidential funds ay walang natagpuang rekord sa Philippine Statistics Authority.

Bunsod nito, ipinulong ang mga miyembro ng Senado bilang mga “senator-judges” upang magsilbing hukom sa paglilitis na isasagawa upang magpasiya kung si Duterte ay matatanggal sa kanyang puwesto bilang Bise Presidente ng bansa.

“Ano nga ba ang proseso ng impeachment?”

Matapos maipasa sa Kongreso ang tinatawag na “impeachment complaint,” na maaaring manggaling mula sa verified complaint na pinirmahan ng hindi kukulang sa isang-katlo sa mga miyembro ng Kamara, isang kongresista, o mga ordinaryong mamamayan na hawak ang suporta ng miyembro ng Kamara, ang mga kongresista ay lalahok sa proseso ng pagboto para sa naipasang complaint. Kung nakamit ang isang-katlong mayorya sa pagitan mga kongresista, ang resolusyon ay dali-daling ipapadala sa Senado upang kanilang malitis ang inakusahang opisyal bilang mga “senator-judges.”

Walang itinakdang panahon kung kailan dapat simulan ng mga senador ang paglilitis, ngunit ayon sa Saligang Batas, ang Senado ay itinakda na “forthwith” o agad-agad na simulan ang proseso ng paghuhusga sa naturang kaso matapos itong aprubahan ng Kamara.

Sa paglilitis, ang mga Senador ay manunumpa bago ang tinatawag na trial proper. Pagkatapos nito, ang writ of summons ay ipadadala sa hinatulang opisyal upang mabigyan ng pagkakataon na ipahayag ang kanyang plea o panawagan sa mga paratang na inilahad sa Articles of Impeachment. Kung hindi ito sumagot sa loob ng 10 na araw, ang kaso ay magpapatuloy sa ilalim ng palagay na nanawagan ang indibidwal na not guilty o walang-sala.

Kagaya ng kriminal na kaso, ang depensa at prosekusyon ay bibigyan ng pagkakataon na ilahad sa hukom na mga senator-judges ang bawat panig, na siyang sisimulan ng mga opening arguments.

Maaari ding suliting-tanungin ng mga senator-judges ang bawat miyembro at testigo ng depensa at prosekusyon sa kurso ng paglilitis. Ang bahaging ito ng impeachment trial ay nagwawakas matapos mailahad ng dalawang panig ang kanilang closing arguments.

Matapos ito, magbobotohan ang mga hukom para sa magiging kinalabasan ng paglilitis para sa nakaupong opisyal. Upang masibak ang nakaupong opisyal, kinakailangan na hindi kukulang sa dalawang-katlo o two-thirds sa mga senador ang bumoto para dito.

Kung ito ay nakamit, ang opisyal ay agad-agad na ipatatanggal sa kanyang puwesto at buong buhay na pagbabawalan na humawak ng kahit anong posisyon sa pamahalaan. Kung hindi ito nakamit, mananatili sa kanyang puwesto ang opisyal.

“Ano ang pagkakaiba ng mga impeachment trial sa ibang mga lehislatibong kaso?”

Ayon sa Saligang Batas, ang isang paglilitis na ganito ay tinatawag na “sui generis” o “class of its own,” na hindi nahuhulog sa mga tradisyonal na uri ng mga kasong kriminal o sibil. Ang tanging layunin ng mga paglilitis na ito ay sulitin kung tunay na nagawa ng isang nahalal na opisyal ang mga impeachable offense na nakalista sa Article 11, Section 2 ng Saligang Batas, kagaya ng “culpable violation of the Constitution” at “graft and corruption.”

Bukod dito, ang mga maaari lamang dumaan sa ganitong proseso ay ang Pangulo, Pangalawang-Pangulo, mahistrado ng Kataas-taasang Hukuman ng Pilipinas, Ombudsman, at miyembro ng Commission on Elections, Civil Service Commission, at Commission on Audit.

“Sino-sino ang mga magsisilbing hukom at prosekusyon para sa paglilitis?”

Ito ay katangi-tanging lehislatibong proseso na pinamumunuan at huhukuman ng 24 na mga nakaupong Senador, na magsisilbing “senator-judge” na taglay ang kapangyarihan na “litisin at pagdesisyunan” ang mga kaso na ito. Ang Pangulo ng Senado ang magsisilbing presiding officer para sa paglilitis.

Para sa 19th Congress, ang mga nakaupong senador na magsisilbing hukom sa paglilitis ay sina:

  • Sen. Francis Escudero (Senate President)*
  • Sen. Alan Peter Cayetano
  • Sen. JV Ejercito
  • Sen. Jinggoy Estrada
  • Sen. Win Gatchalian
  • Sen. Risa Hontiveros
  • Sen. Loren Legarda
  • Sen. Robin Padilla
  • Sen. Raffy Tulfo
  • Sen. Joel Villanueva
  • Sen. Mark Villar
  • Sen. Migz Zubiri
  • Sen. Pia Cayetano
  • Sen. Ronald dela Rosa
  • Sen. Bong Go
  • Sen. Lito Lapid
  • Sen. Imee Marcos
  • Sen. Bam Aquino
  • Sen. Panfilo Lacson
  • Sen. Rodangte Marcoleta
  • Sen. Francis Pangilinan
  • Sen. Tito Sotto
  • Sen. Erwin Tulfo
  • Sen. Camille Villar

Bukod dito, ang prosekusyon, na maghahain ng ebidensya na siyang dumedepensa sa pagpapasiya ng Kamara na ipasibak ang opisyales na nililitis, ay kakatawanin naman ng mga piling miyembro ng Kamara. Ang prosekusyon ng 19th Congress ay binubuo nina:

  • Rep. Gerville Luistro
  • Rep. Romeo Acop
  • Rep. Ramon Rodrigo Gutierrez
  • Rep. Joel Chua
  • Rep. Marcelino Libanan
  • Rep. Arnan Panaligan
  • Rep. Ysabel Maria Zamora
  • Rep. Lorenz Defensor
  • Rep. Jonathan Keith Flores

PAALALA: Ang listahan na ito ng mga kongresista ay maaaring magbago sa pagpasok ng 20th Congress. Maaaring ihalal ng mga bagong miyembro ng Kamara ang panibagong panel para sa prosekusyon.=

“Pwede bang tumawid sa 20th Congress ang impeachment trial kahit na nagsimula ito sa 19th Congress?”

Oo. Kahit na nagsimula ang paglilitis sa 19th Congress, maaari pa din itong ituloy at ipasa sa susunod na 20th Congress na magbubukas sa Hulyo 28, 2025.

“Sino ang papalit kay Duterte bilang VP habang siya ay nililitis?”

Hanggang sa humatol ang mga senator-judges ukol sa magiging kinalabasan ng kaso na ito, mananatili si Duterte sa kanyang posisyon bilang Bise Presidente ng Pilipinas.

“Bakit nagmosyon ang mga senador na ibasura ang kaso ni VP Duterte?”

Ayon kay Sen. Ronald Dela Rosa, labag sa batas ang naihaing apat na impeachment complaint laban sa nakaupong Bise Presidente na siyang naging basehan ng kanyang mosyong ibasura ang kaso.

Sa Article 11, Section 3 ng Saligang Batas, ang impeachment proceeding ay maaari lamang gawin ng isang beses sa loob ng isang taon. Ani Dela Rosa, ang paghain ng apat na impeachment complaint laban sa Bise Presidente ay lumalabag sa nasabing batas, at dahil dito, masasabing walang-bisa ang kaso.

“Ano ang ibig sabihin ng pag-remand ng mga senador sa kaso pabalik sa Kongreso?”

Noong Hunyo 10, 2025, inihain ni Sen. Alan Peter Cayetano ang mosyon na i-remand ang Articles of Impeachment sa Kongreso, na madalian ding naaprubahan matapos ang pagbotong 18-5 ng mga senador pabor sa mosyon.

Sa lehislatura, ang salitang “remand” ay nangangahulugan sa proseso ng pagbabalik ng isang bagay, tao, o resolusyon mula sa pinanggalingan nito. Sa kasong ito, ang nasabing pag-remand ay tumutukoy sa pagbabalik ng Articles of Impeachment sa Kamara.

Ayon kay Sen. Cayetano, kanyang inihain ang mosyon na ito upang matupad ang dalawang kondisyon: 1) masigurado ng mga kongresista na ang kanilang naipasang impeachment complaint ay hindi lumalabag sa Article 11, Section 3 ng Saligang Batas at 2) tiyakin ang pagnanais ng mga miyembro ng 20th Congress na ipagpatuloy ang nasabing kaso.

“Maaari bang ibasura o i-dismiss ng mga senador ang isang impeachment case bago ito magsimula?”

Ayon sa Article 11, Section 3, nasa Senado lamang ang “sole power to try and decide all cases of impeachment” (ang tanging kapangyarihan na litisin at pagdesisyunan ang lahat ng kaso ng pagsasakdal).

Sa ganitong paraan, masasabi na wala sa kamay ng senador na aprubahan ang ganitong mosyon. Ang kanilang kaukalang tungkulin, bilang senator-judges, ay bigyan ng pagkakataon muna ang depensa at prosekusyon na ilahad ang kanilang panig bago ipagsawalang-bahala ang mga ganitong kaso at ipalaya ang inakusahang opisyal mula sa kanyang paratang.

Datapwa’t, kung inihain ng kampo ng inakusahang opisyal ang motion to dismiss, saka lamang mabibigyan ng pagkakataon ang senado, bago ang mismong paglilitis, na pagbotohan ang inisyatibang ibasura ang pagsasakdal ng isang hinalal na indibidwal.

“Gaano katagal ang proseso na ito?”

Walang nakatakdang haba ng panahon o timeline ang isang impeachment trial. Puwede itong magtagal mula buwan hanggang taon.

Sa kaso ni dating Chief Justice Renato Corona, ang paglilitis ng mga senador ay nagtagal ng mahigit limang buwan, mula Disyembre 2011 hanggang Mayo 2012, bago kanilang hinatulang guilty o may sala si Corona.

Bagamat, sa kaso ni Duterte, na siyang kauna-unahang Bise Presidente na sasailalim sa impeachment trial, wala ni isang indibidwal, bukod lamang sa mga nakaupong senador, ang makapagsasabi kung gaano katagal magaganap ang paglilitis na ito — o kung ito pa nga ba ay matutuloy.

Sanggunian:

ABS-CBN News, (2025, April 9). List: The House members who voted to impeach VP Sara Duterte: ABS-CBN news. https://www.abs-cbn.com/news/nation/2025/2/5/list-the-congressmen-who-voted-to-impeach-vp-sara-duterte-2336

Al Jazeera. (2025, February 5). Philippine House impeaches vice president Sara Duterte. https://www.aljazeera.com/news/2025/2/5/philippine-house-impeaches-vice-president-sara-duterte

Ferreras, V. A. (2025, February 5). Explainer: How impeachment works in the Philippines. GMA News Online. https://www.gmanetwork.com/news/topstories/nation/928794/impeachment-explainer-philippines/story/

Fonbuena, C. S. (2025, February 5). House secures one-third vote for “third mode” to impeach VP Sara Duterte. PCIJ.org. https://pcij.org/2025/02/05/house-secures-one-third-vote-third-mode-sara-duterte-impeachment-complaint/

GMA Integrated News. (2024, December 9). Rep. Chua: 405 na tumanggap ng confidential fund Mula Kay VP Duterte, Walang PSA Birth Record. GMA News. https://www.gmanetwork.com/news/balitambayan/balita/929423/rep-chua-405-na-tumanggap-ng-confidential-fund-mula-kay-vp-duterte-walang-psa-birth-record/story/

Gutierrez, G. C. and J. (2025, March 25). Thousands of Filipinos back calls for impeachment of Sara Duterte. Benar News. https://www.benarnews.org/english/news/philippine/thousands-filipinos-sara-duterte-impeachment-01312025143014.htm

House of Congress, & House of Representatives. [Resolution], VERIFIED COMPLAINT FOR IMPEACHMENT 1–44 (2025). Quezon City, Metro Manila; Senate of the Philippines.

Ombay, G. (2025, June 18). Impeachment process to continue sans Sara Duterte’s compliance with summons -court. GMA News Online. https://www.gmanetwork.com/news/topstories/nation/949810/impeachment-process-to-continue-sans-sara-duterte-s-compliance-with-summons-court/story/

Republic of the Philippines. (1987b, February 2). 1987 Constitution of the Republic of the Philippines. Official Gazette. https://www.officialgazette.gov.ph/constitutions/1987-constitution/

University of the Philippines. (2025, February 7). Impeachment Primer and Frequently Asked Questions. Quezon City; University of the Philippines College of Law.

About the Writer

Related Articles