Filipino: Bakit Mahalaga?
By Ravi Keane G. Tan
|3 min read

“Hindi na mahalagang pag-aralan ang Filipino”, “Ano ngayon kung nagsasalita ka ng Filipino? Filipino lang ‘yan, walang pakialam ang tagaibang bansa kung nagsasalita ka ng wikang Filipino.” Ito ang mga nakakalungkot na salita na maririnig mo sa mga kabataan ngayon.
Bilang estudyante ng Xavier, maraming asignatura ang tinatalakay namin katulad ng Matematika, Agham, at Araling Panlipunan kaya madaling makalimutan ang Filipino. Pero ang hindi alam ng marami, malaki ang kahalagahan ng kultura at wika sa ating buhay. Dahil ngayon ay ang Buwan ng Wika, ipapaliwanag ko dito ang mga dahilan kung bakit kailangang ipagpatuloy ng kabataan ang pag-aaral ng wikang Filipino.
WIKANG FILIPINO, WIKA NG BANSA
Kapag tinatanong ang mga kabataan kung bakit hindi nila binibigyan ng halaga ang Filipino, sinasabi nila “hindi ko naman kailangan iyan para makamit ang aking pangarap. Ang nagsasalita lang naman ng Pilipino ay ang nagtatrabaho, at hindi yung mga negosyante.” Mali ang ganitong pagiisip, dahil hindi lahat ng tao sa Pilipinas ay marunong magsalita ng Ingles. Kahit na ang mga pinapangarap nating trabaho ay ang maging doktor o negosyante, may makakaharap pa rin tayong hindi marunong mag-Ingles. Isang halimbawa nito ay makikita sa pagiging doktor. Kung hindi maiintindihan ng doktor ang nararamdaman ng kanyang pasyente, hindi magagamot ng doktor ang pasyente.
Makatutulong din ang pagsasalita ng Filipino sa ating pang-araw-araw na gawain. Filipino ang wikang ginagamit ng mga Grab driver, mambebenta sa palengke, mga tagalinis ng paaralan, atbp. Kapag kinakausap sila, mas gugustuhin nila na gawin ito sa wikang Filipino dahil hindi lahat ng Pilipino ay kumportable na magsalita ng Ingles. Maaaring ito ay dulot ng hindi paglaki na nagsasalita ng Ingles. Nasa bansang Pilipinas tayo, at dapat sanayin natin ang ating sarili sa pagsasalita ng ating pambansang wika.
Bukod dito, may mga salita sa Filipino na walang katumbas sa Ingles. Kung nagpapahayag tayo ng ating nararamdaman, ginagamit natin ang mga salitan kilig, gigil, at tampo. Ang mga salitang ito ay ang ginagamit ng mga Pilipino para maipahayag sa iba ang kanilang nararamdaman. Nakakatawa kung may kinakausap tayo tapos sasabihin natin, “I am excited for a romance movie that makes me shake.”
TAYO AY PINOY
Unti-unting nawawala sa ating kabataan ang pagka-Filipino. Nakakalimot na ang karamihan sa kasaysayan ng Pilipinas. Mahalaga ito dahil dapat malaman ng Pilipino ang mga pinagdaanan ng kanilang mga ninuno para mailagay ang Pilipinas sa kalagayan nito ngayon. Sa mga nobelang pinag-aaralan ngayon sa mga paaralan katulad ng Noli Me Tangere at El Filibusterismo, nagkakaroon ng mga ang kabataan tungkol sa malalang kalagayan ng bansa noon. Ang mga kahanga-hangang pagsusulat katulad ng mga ginawa ni Gat Jose Rizal ay ang nagmulat sa Pilipino noon sa mga pang-aabuso ng Kastila. Isa ito sa mga dapat ipagmalaki ng Pilipino ngayon at isang patunay na katangian ng Pilipino ang pagiging matalino. Nakadaragdag pa dito ang pagsasanay ng mga kabataan sa kanilang pambansang wika.
Isang bagay na nakalulungkot sa mga kabataan ngayon ay nakakalimutan na nila ang makulay na kulturang Filipino. Ang mga pambansang pagkain, awit, at laro ay hindi na binibigyan ng halaga dahil sa mataas na impluwensya ng iba pang kultura sa ating bayan. Sa pag-aaral ng Filipino, dapat binibigyang pokus ang pagkakataon ng mga kabataan na matuklasan ang “ginto” sa kanilang kultura at wika. Sa kabuuan, ang kasaysayan, wika, at kultura ay ang bumubuo ng identidad bilang Pilipino.
NASYONALISMO
Isang bansa, maraming wika .
Ang Pilipinas ay katulad ng ibang bansa dahil sa iba’t ibang wika na ginagamit dito. Tuwing may mga dayuhan, tayo pang mga Pinoy ang nag-iiba ng salita upang makausap sila. Hindi naman masama na gumamit ng Ingles para makipag-usap sa mga dayuhan, pero nakikita rito ang kakulangan ng pagsasanay ng Pilipino. Lumalabas ang impresyon sa mga dayuhan na ikinahihiya natin ang sarili nating wika. Ang wikang Filipino ay kasama sa identidad ng bansa at nawawala ito pag hindi ginagamit ang wika tuwing nakikipag-usap tayo sa iba. Kung hindi natin bibigyan ng pagpapahalaga ang wikang Filipino, makakalimutan ito at magiging bansa na walang ipinagmamalaki at katangi-tanging wika ang Pilipinas.
Bilang Pilipino, ang pag-aaral ng Filipino ay mahalaga sa ating buhay. Dapat nating ipagmalaki ang ating kasaysayan, wika, at kultura. Sa kabila ng mga nagaganap ngayon, pagsikapan nating ipagmalaki ang kulturang Filipino mula sa sarili nating pamilya. Ngunit, ang pagbabagong ito ay nagsisimula sa ating mga sarili. Bilang Pilipino, mayayakap mo ba ang sarili mong kultura at wika?
Sanggunian ng Gamit na Larawan: https://www.thesummitexpress.com/2020/07/buwan-ng-wika-2020-theme-official-memo-poster-sample-slogan.html

