Gintong Aral Isinulat ni Shaun Lim (12H) at Charles Sombrito (11E)
Kayamanang ipinamana ng ating mga ninuno, Simbolo ng kultura at dugong Pilipino. Yaman ng tradisyon ay ating kilalanin, Kwento ng paglikha ay ating intindihin.
Ang kaniyang kasaysayan ay dapat nating mapagtanto At mayroon siyang halagang higit pa sa ginto Respeto sa kapwa ang kanyang hangarin, Pagmamahal sa pamilya naman ang ating tungkulin.
Diwang ipinagmamalaki ng aming lipi Aming dangal tuwing kami’y inaapi Ang kaniyang kadakilaan ay di maitatago Sapagkat siya rin ang dumadaloy sa ating dugo
Sa bawat pagmamano ay nais sabihin Na sa ating mga ninuno tayo ay sumasalamin Pagbigkas ng po at opo ay puno ng pagmamahal, Simbolo ng katauhang puno ng dangal.
At namana natin ang kanilang mga kaugalian Respeto sa kapwa’y dala-dala simula kabataan. Sa bayanihan naman tayo ay nagkakaisa Magkakapit-bisig tungo sa mithiing pambansa
Kultura na siyang tanglaw na ipinamana Alab sa aming diwa na hindi humihina Tradisyong nilikha para sa ating kapakanan, Kasangga natin at hindi lilisan.