Stallion
Stallion

The official trilingual publication of Xavier School, est. 1962.

Filipino

Ika-500 na Paggunita ng Kristiyanismo

By Lorenzo Miguel, Jared Lumanlan, Sid Co

|4 min read

0 views
Ika-500 na Paggunita ng Kristiyanismo

May-akda: Lorenzo Miguel, Jared Lumanlan, Sid Co

Noong Marso 16, 1521, dumating ang Portuges na manlalakbay, si Ferdinand Magellan. Siya ang naging kinatawan ng Espanya sa Visayas. Samakatuwid, napasimulan ang di lumaon ay kolonisasyon ng mga Kastila sa ating lupain. Dahil sa mga paggalugad at pagsasaliksik ni Christopher Columbus, nagkaroon ng kasabikan para sa mga kayamanan sa Amerikas at Asya ang mga taga-Europa. Nagsimula ang paglalayag ng ekspedisyon ni Magellan noong 1519 upang mahanap ang Spice Islands at matupad ang kanilang hangarin na maging dakila at isang makapangyarihan na imperyo. Mula sa kanilang mga pinaghirapan, mayroon din tayong matututunan sa pamamagitan ng kanilang paglalakbay.

Dumating sina Magellan at ang kanyang yunit sa kapuluan ng ating bansa. Nagkaroon sila ng misa noong Marso 31, 1521, Linggo ng Pagkabuhay, sa isang maliit na isla sa Leyte. Nang higit pang nadiskubre ng mga Kastila ang kayamanan ng ating inang-bayan, nagsimula na ang pagkalat ng Kristiyanismo noong 1565 sa kabila ng pagpatay kay Magellan. Pagkatapos ng kanyang pagkamatay, ipinadala ng mga Kastila si Miguel López de Legaspi. Siya ang nagtatag sa dominyon at pamamahala ng Espanya sa Pilipinas. Dahil dito, naging pangunahing relihiyon sa bansa ang Kristiyanismo. Makalipas ang limang daang taon, nararamdaman pa rin sa ating lipunan ang epekto ng mga gawain nila Magellan at Legaspi, mga kaparian, at ng ating mga ninunong unang tumangkilik sa banyagang relihiyon.

Ang Pilipinas ang isa na sa mga bansa na may pinakamaraming Kristiyano sa mumdo. Ayon sa Center for Global Education ay hindi bababa sa 92% o higit pa sa 100,000,000 ang bilang ng populasyon na naniniwala sa Kristiyanismo dito lamang sa Pilipinas. Makalipas ang ilang-daang taon na nandito ang Kristiyanismo sa ating bansa, marami ang mga naging tradisyon at kaganapan na ating binuo at pinalago, na hanggang ngayon ay ating patuloy na isinasagawa. Ilan sa mga kilalang pagdiriwang na isinasagawa ng mga Kristiyano ay nagaganap tuwing Pasko. Ito ay ang Simbang gabi o Misa de Gallo kung saan tayo ay karaniwang sumasali sa mga madaling araw na misa nang siyam na araw bago ang araw ng kapaskuhan. Isang alituntunin ng mga Krisiyano at mga Pilipino ang pagiging maka-amilya. Kaya, sa gabi bago magpasko ay magsasamang kakain ang pamilya ng sari-saring masasarap na pagkain, katulad ng Lechon, Queso de Bola, Embutido, Pansit, at iba pa.

Bukod pa dito, mayroon ding Kuwaresma o ang Lent, ang apatnapung araw na kapanahunan bago ang Easter Sunday ng pagkabuhay kung saan ating ginugunita ang muling pagkabuhay ni Hesus mula sa kamatayan. Karaniwang minamarkahan ng Miyerkules ang pagsisimula ng Kuwaresma. Ito ay ng Abo o Ash Wednesday, na karaniwang ay apatnapu’t anim na araw bago ang Easter Sunday. Tuwing linggo bago mag-Easter Sunday, magsisimula na ang Holy Week o Semana Santa na nagsisimula sa Palm Sunday, at sinusundan ng Holy Monday, Holy Tuesday, Holy Wednesday, Maundy Thursday, Good Friday, Black Saturday at nagtatapos sa Easter Sunday. Itong kaganapan, kasama ang Pasko at All Souls Day, ang isa sa mga pinakamalaking pagdiriwang dito sa Pilipinas. Kung mapapansin ninyo lahat ng mga kaganapan ay may kaugnayan sa Kristiyanismo at isa ito sa mga representasyon na nagpapakita sa atin kung gaano na kalaki ang impluwensya ng Kristiyanismo sa Pilipinas. Ang Pasyon, isang tula na isinasalaysay ang buhay ni Kristo, ang Visita Iglesia, kung saan isinasagawa ang Stations of the Cross sa iba’t ibang mga simbahan, at ang pag-aayuno o fasting, ang iba pa sa mga Kristiyanong tradisyon na hanggang ngayon ay ating isinasakatuparan.

Napakalaki din ng naging epekto Kristiyanismo sa buhay ng mga Pilipino, lalo na sa pandemya ngayon. Sa panahon ng krisis na ito, ang Diyos ang ating tanging kinakapitan para magkaroon ng pag-asa ngayong tayo ay naglalayag sa delikadong dagat ng buhay. Napakalaki ang tulong ng Diyos hindi lamang sa Pilipino, kundi sa higit 2.3 bilyon na Kristiyano sa iba’t ibang parte ng mundo.

Habang lumilipas ang panahon, ang Kristiyanismo ay umuunlad sa araw-araw. Ang Kristiyanismo ay higit pa sa isang relihiyon lamang, ito ay masasabing isang paraan ng pamumuhay. Ang paniniwala at pagkakaroon ng pananampalataya sa Diyos ay isang kilos ng pagpapakita ng ating pagmamahal at tiwala sa kanya. Pinapayagan natin siyang gabayan tayo upang magbago patungo sa ating mga pinakamabuting sarili. Habang kumikilos tayo batay sa impluwensya ng panginoon, bumubuo tayo ng mundong mapayapa. Bilang kabataan at mag-aaral sa paaralang Xavier, maaari nating katawanin ang pag utos ng Panginoon sa pamamagitan ng paglahok sa mga proyekto na tumutulong sa mga nangangailangan at sa pagiging seryoso sa mga misa. Madadagdag dito ang pagdarasal sa kanya, ang pagmamahal at pag-aalaga sa kapwa natin, at ang pagpapatawad sa mga nagkakasala sa atin ay isa pa sa mga maaring gawin na nagpapakita ng ating pagtalima at pagtupad ng ating tungkulin bilang isang tagapag lingkod ng Diyos. Habang ginagawa natin ito, tayo ay nagsisilbing impluwensya para sa mga ibang tao at mas lalo na para sa mas nakakabata sa atin upang mapanatili ang aral at diwa ng Panginoon.

Sanggunian:

Manalo, R. (2021, March 25). A look at 500 years of Christianity in the Philippines — and counting! Catholic Review. https://catholicreview.org/a-look-at-500-years-of-christianity-in-the-philippines-and-counting/

Rappler. (2021, April 5). FULL TEXT: Pope Francis’ message for 500th year of Christianity in PH. https://www.rappler.com/nation/full-text-pope-francis-message-filipinos-500th-year-christianity-philippines

Santos, F. J. (2021, March 22). Remembering 500 Years of Christianity in the Philippines. The Diplomat. https://thediplomat.com/2021/03/remembering-500-years-of-christianity-in-the-philippines/

Larawan:

https://images.app.goo.gl/Bqou6WZaRyqBN8qCA

About the Writer

Related Articles