Lakanlahi 2023: Matagumpay na PaXSiklaban
By Isiah Ty (8A)
|2 min read

Ni: Isiah Ty (8A)
Noong Agosto 29, Martes mula 3:00 hangang 4:30 ng hapon, sa pangunguna ng Sandugo at Kagawaran ng Filipino, ginanap sa High School Multi Purpose Hall (MPH) ang PaXSiklaban: Lakanlahi, isang patimpalak kung saan ang kanya-kanyang mga kinatawan mula sa ikapito hanggang sa ikasampung baitang ay nagtagisan para sa titulo ng Lakanlahi 2023.
Sa tulong ng Sandugo at Kagawaran ng Filipino, ang pagtatanghal na ito ang nagsilbing flagship activity ng Buwan ng Wika at Kultura ng JHS Xavier School ngayong 2023.

Mula sa pitong kalahok, ang nagwagi ng korona at titulong Lakanlahi 2023 ay si Raffy Lugapo (G9), habang nakatanggap din ng mga menor na gantimpala sina Alessi Maralit (G8) bilang Lakan ng Madla at Lakan ng Wika, Ken Salazar (G10) bilang Lakan ng Wika, at Alexander Tiong (G10) bilang Lakan ng Kultura. Iilan pa sa mga naging kalahok sa patimpalak na ito ay sina Kennan Weng (G7), Edward Tanco (G9), at Enzo See (G10).
Tulad ng ibang patimpalak, ang PaXSiklaban ay may sinusunod na tema, at ito ay akma sa tema ng Buwan ng Wika na PaXSiklab, galing sa salitang “pasiklaban,” na, sa konteksto ng naging patimpalak, ay nangangahulugan ng pagpapakita ng walang katulad na galing, talento, o talino ng nag-iisang ginoo na nararapat magkamit ng koronang Lakanlahi 2023. Subalit, isinagawa ito hindi lamang dahil sa naising bigyang pansin ang mga mag-aaral sa Junior High School, kundi para din pahalagahan at payamanin ang ating pagmamahal sa ating kultura, wikang Filipino at bansang Pilipinas.


Taglay ang kasuotang etniko, ang bawat kinatawan ay isa-isang umakyat sa entablado. Dito ipinakita sa mga hurado ng bawat lakan ang kanilang lakad at tindig, at kanilang kakayahang dalhin ang sarili. Sumunod ay ang kanilang maikling pag-talumpati bilang pagbibigay halaga sa kanilang adbokasiya at adhikain, gamit ang wikang Filipino. Sinundan noon, sila ay nagpamalas ng kani-kanilang talento sa pamamagitan ng pagkanta, pagsayaw, pagtugtog ng instrumento, o kaya’y pagguhit ng mabilisan.

Bago nagpatuloy sa huling tagisan, nagkaroon ng elimination round, kung saan hinati ang pitong kalahok, at apat na lamang ang tumuloy sa susunod na bahagi ng patimpalak. Ang apat na natirang mga kalahok, na sina Maralit, Lugapo, Tiong, at Salazar, ay sumailalim sa isang Q&A kung saan sila ay nagpakita uli ng kanilang husay sa paggamit ng wika sa kanilang pagsagot ng tanong mula sa mga huradong sina G. Christian Bumatayo, G. Joel Hawod, Gng. Andrea Chaveli Dela Cerna, at G. Glenn Gomez.

Upang maengganyo ang mga tagapanood at habang nagpapasyahan ang mga hurado, sila ay inanyayahang sumagot ng Google Forms upang mahalal kung sino sa tingin nila ay karapat-dapat tanghaling Lakan ng Madla 2023.
Pagkatapos ng ilang sandaling paghihintay, dali-daling inanunsyo ng mga emcee ang naging kinalabasan ng deliberasyon ng mga hurado. Pagkatapos, nagkaroon ng maiksing picture taking ng mga kalahok at hurado, kasama na din ang Sandugo at iilan sa mga guro ng Kagawaran ng Filipino.
Mga imahe ay mula sa XS Media Team.

