Lakanlahi Grand Finals 2024: Pasiklaban ng Husay at Diwang Pilipino
By Lorenzo Vito Miguel (12A)
|2 min read

Ni: Lorenzo Vito Miguel (12A)
XAVIER SCHOOL – Isinagawa ng Sandugo at Kagawaran ng Filipino noong Agosto 29, 2024 ang kanilang flagship event para sa Buwan ng Wika at Kultura, ang Lakanlahi Grand Finals, sa Angelo-King Multi-Purpose Center. Sa Lakanlahi Grand Finals, nagtagisan ng talento at husay sa wika ang mga piling kalahok at nanalong mga semi-finalist mula sa ikapito hanggang ikalabindalawang baitang.
Ang Lakanlahi ay isang patimpalak na idinadaos tuwing Buwan ng Wika at Kultura sa Xavier School, sa pamumunuan ng Sandugo at Kagawaran ng Filipino. Sa patimpalak na ito, nabibigyan ng pagkakataon ang mga piling kinatawan mula sa bawat baitang sa Xavier High School na ibahagi ang kanilang mga kakayahan sa wika, natatanging talento, at ipamalas ang kanilang diwang Pilipino. Ito ay binubuo ng tatlong bahagi o segment, na ang First Walk at Adbokasiya, Talento, at ang Final Q&A.
Upang mapili ang apat na magiging kinatawan ng bawat baitang sa Junior High School ay nagkaroon ng kani-kanilang Lakanlahi Semi-Finals na ginanap sa Gotuaco-Yu Auditorium at HS MPC noong unang linggo ng Agosto. Sa Lakanlahi Semi-Finals, nagtapatan ang mga piling estudyante mula sa bawat pangkat upang hirangin ang Lakan ng Islas Filipinas ng ikapito, ikawalo, ikasiyam, at ikasampung baitang na silang makakapasok sa Lakanlahi Grand Finals.
Ang mga sumusunod ang pangalan at pangkat ng mga nagsilbing kinatawan para sa kanilang baitang sa Lakanlahi Grand Finals.
Ikapitong Baitang: Drake Sy ng 7E
Ikawalong Baitang: Clyde Castro ng 8G
Ikasiyam na Baitang: Aaron Fernandez ng 9E
Ikasampung Baitang: Timothy Co ng 10C
Ikalabing-isang Baitang: Santi Custodio ng 11A
Ikalabindalawang Baitang: Ferrari Paz ng 12B
Para sa kanilang First Walk at Adbokasiya, itinampok ng mga kalahok ang kanilang natatanging galing sa pagmomodelo at ibinahagi din ang kanilang mga paniniwala at adhikain bilang mga Lakan ng kanilang baitang. Pagkatapos nito, itinanghal ng mga kalahok ang kanilang mga talento, kagaya ng pagkanta, pagdula, at pagtatanghal-tula. Ito naman ay sinundan ng Q&A, kung saan binigyan ang bawat kalahok ng isang minuto upang sagutin ang isa sa anim na mga katanungan upang maipamalas ang kanilang husay sa wika at talas ng isip.
Pagkatapos nito, nakiisa ang manonood sa special performance ng bandang Halik, kung saan kanilang tinugtog ang mga tampok na kantang OPM. Ito ay sinundan ng paggawad ng sertipiko sa mga hurado at ang hinihintay na pagpapakilala sa mga nagwagi.
Mula sa mga kalahok, ang kinatawan ng ikasampung baitang na si Timothy Co ng 10C ang nagwagi bilang Lakanlahi 2024. Samantala, ang kinatawan ng ikalabindalawang baitang na si Ferrari Paz ng 12B ang iginawad ng titulong Lakan ng Wika at ang kalahok mula ikapitong baitang na si Drake Sy ng 7E ang nagwagi naman bilang Lakan ng Madla at Lakan ng Kultura.

