Paano Ipagdiwang ang Buwan ng Wika at Kultura sa Panahon ng Pandemya
By jaredlumanlan
|2 min read

Panahon na upang ipagdiwang ang Buwan ng Wika at Kultura—ang buwan kung saan ipinagmamalaki natin ang kulturang Pilipino. Ngunit dahil sa pandemya, kailangan nating iwasan ang mga nakasanayang pista o anumang gawain na ginagawa sa labas ng bahay. Pero huwag mag-alala, marami ang maaring gawin upang ipagdiwang pa rin ang mahalagang okasyon na ito. Ang pandemya ay hindi makapipigil sa pagdiriwang at pagsasabuhay ng ating kulturang Pilipino.
Ang pagkaing Pinoy ay hindi mawawala sa pagdiwang ng Buwan ng Wika. Bagamat, hindi tayo makakain sa labas o magkaroon ng tradisyon ng salu-salo katulad na lamang ng masayang boodle fight, maari pa ring magkaroon ng simpleng handa sa bahay. Ang pagluluto ng pagkaing Pinoy ay isang paraan upang makatikim ng pagkaing Pinoy mula sa sari-sarili nating kusina. Subukang gumawa ng iba’t ibang kakanin tulad ng biko, puto, cassava cake at iba pa. Maaring subukang gumawa ng panghimagas na swak sa anumang init o ulan dala ng panahon katulad ng halo-halo. Ang lamig ng halo-halo ay tiyak na makapapawi ng pagod. At kung sakali namang umuulan, nasubukan mo na ba ang iba pang uri ng halo-halo? Tinutukoy ko ang ginataang halo-halo. Huwag ding kalimutan ang pansit. Sa kahit anong okasyon, hindi ito mawawala. Kung hindi kayang gawin mga ito sa bahay, pwede namang mag-order online.
Ang pangalawang gawain ay ang paglalaro ng larong Pinoy. Kapag sapat ang espasyo sa bahay, pwedeng maglaro ng patintero, piko, langit-lupa, taguan at iba pa. Maaari ring maglaro ng mga larong Pinoy na hindi kailangan ng pisikal na galawan katulad ng mga board games. Maari kang bumili ng jackstones, sungka at Salitaan, ang Pinoy version ng Scrabble. Ang larong Salitaan kung hindi ninyo alam ay hindi lang masayang laruin, matututunan mo rin ang mga hindi karaniwang ginagamit na mga salitang Filipino mula sa iyong mga kalaro. Hinihikayat ko kayong maglaro ng mga ito kasama ng iyong mga pamilya’t kaibigan. Lahat ng ito ay mabibili online sa Shopee at Lazada.
Isa pang tradisyon na hindi mawawala ay ang pagsasama’t pagsasalo ng pamilya. Bagamat hindi tayo nagkakakitaan, maari pa rin natin silang makasama gamit ang Zoom-ustahan at iba pang uri ng social media. Sa mga tawag na ito, pwede pa ring mag-bonding at lumahok sa mga laro katulad ng Pinoy Henyo. Hindi lang natatapos ang pagsasalo roon, maari ka ring makipagkwentuhan kasama ng inyong mga mahal sa buhay at mga kaibigan. Nagagawa natin ang lahat ng ito dahil sa biyaya ng teknolohiya.
Sa pangkalahatan, ang Buwan ng Wika at Kultura ay maaari pa ring ipagdiwang sa simple, masaya’t makabuluhang paraan. Tunay na hindi mahahadlangan ng COVID-19 ang pagdiriwang ng espesyal na buwan na ito. Ang wika at kultura ng isang tunay na Pilipino ay hindi mawawala kahit ano pa man ang mangyari. ‘Yan ay tatak Filipino!
Sanggunian ng Gamit na Larawan: https://theculturetrip.com/asia/philippines/articles/11-things-you-should-know-about-the-filipino-culture/

