Stallion
Stallion

The official trilingual publication of Xavier School, est. 1962.

Filipino

Pilipinong Manunulat #1: Marcelo H. del Pilar

By Jared Lumanlan (11B)

|4 min read

0 views
Pilipinong Manunulat #1: Marcelo H. del Pilar

ni Jared Lumanlan (11B)

Si Plaridel, o mas kilala bilang Marcelo H. del Pilar ay isa sa pinakaiginagalang na manunulat sa kasaysayan ng Pilipinas dahil sa kanyang mga kontribusyon sa pagsulong ng pagkakakilanlang Pilipino. Marami sa kanyang mga akda ay naglalaman ng mga damdaming laban sa mga abusadong prayle at saka ng kanyang mga mithiing nasyonalista. Bilang isa sa mga pinuno ng Kilusang Propaganda, itinaguyod niya ang reporma sa pamamagitan ng kanyang peryodismo at pamamahayag.

Pinanganak ang manunulat sa Cupang (na ngayon ay Barangay San Nicolas), Bulacan noong Agosto 30, 1850. Kabilang siya sa angkan ng dalawang makapangyarihang pamilya sa lalawigan ng Bulacan. Ang kanyang ama, si Don Julian del Pilar ay isang mahusay na mananalumpati at makata. Naging gobernadorcillo rin ito ng Bulacan nang tatlong beses. Ang kanyang ina naman ay si Doña Blasa Gatmaytan na mas kilalang Blasica na galing din sa isang kilalang pamilya.

Nakapag-aral naman si del Pilar sa Colegio de San José at naging abogado nang makatapos sa Unibersidad ng Sto. Tomas. Naging hilig niya ang pananalumpati sa mga tienda o plaza kung saan ay pinupuna niya ng praylokasya. Tumutuligsa at lalaitin pa nga niya ang mga prayle sa mga pista at libingan.

Noong 1892, itinatag ni del Pilar ang Diariong Tagalog, isang pahayagan na isinulat sa dalawang wika: Tagalog at Espanyol. Bilang editor, nagsulat siya tungkol sa mga masamang gawi ng mga prayle at samakatuwid, ang pangangailangan ng mga reporma sa bansa. Subalit dahil sa kanyang mga mapunahin na akda at ang pag-oorganisa ng mga rally, kinailangan niyang umalis ng bansa para sa kanyang kaligtasan. Ang kanyang pagdating sa Espanya ay humantong sa pagsilang ng pahayagang La Solidaridad. Ipinagpatuloy niya ang kanyang pagsulat sa pangalang Plaridel, isang anagram ng kanyang apelyido.

Isa sa pinakamakabuluhang akda niya ay ang kanyang satire, “Dasalan at Tocsohan” kung saan ay malikhain niyang tinutuya ang mga prayle. Ang akdang ito ay isa sa pinakasikat na mga gawa ni del Pilar dahil sa paggamit niya ng satira at pagbabadya o parody sa tono at diksyon ng kanyang akda. Ginamit niya ang mga kilalang panalangin para ilantad ang pagiging ipokrito ng mga prayle sa kabila ng mga relihiyosong aral na kanilang ginigiit sa mga Pilipino. Ang mga panalangin tulad ng Ama Namin at Aba Ginoong Maria ay ginamit ni del Pilar upang bigyan ng mas simboliko ngunit mas makapangyarihan na mensahe ang kanyang akda. (maaaring basahin ang akda dito Dasalan at Tocsohan)

Subalit, namumukod-tangi si del Pilar sa mga bayaning Pilipino na nag-ambag sa pagpapalaya ng Pilipinas. Ayon kay Reyes (2008) mas natural at pragmatiko na pulitiko si del Pilar kaysa sa tulad ni Rizal. Bilang isa sa mga lider ng mga propagandista, mahusay siyang makitungo sa mga Ilustrado at mga karaniwang Pilipino. Siya rin ang pinakamaingay at bungagero sa mga propagandista. Mabisa rin ang kanyang mga akda dahil ito ay isinulat sa wikang Tagalog. Inilarawan pa nga siya ni Gobernador-Heneral Ramon Blanco bilang “ang pinakamatalinong pulitiko at ang tunay na diwa ng kilusan para sa kalayaan, mas mahusay pa kay Rizal.”

Ang marangal na bayaning itong nagbigay inspirasyon sa himagsikan ay tunay na mahalaga sa pagpapalaya ng ating bayan. Hindi man siya tumapak sa larangan ng digmaan, ngunit ang kanyang mga ideya ay nagsilbing pundasyon at utak ng rebolusyon laban sa imperyo ng mga Kastila. Isa siyang tao na nararapat ng ating paggalang at paghanga sapagkat kung wala siya, maaring maging iba ang kalagayan ng bansa ngayon.

Dasalan at Tocsohan

(mula sa https://sirmykel.files.wordpress.com/2016/07/marcelo-h-del-pilar-dasalan-at-tocsohan.pdf )

Isang Tula sa Bayan

ni Marcelo H. del Pilar

Sa iyong kandungan tinubuang lupa,

pauang nalilimbag ang lalong dakila,

narito rin naman ang masamang gaua

na ikakamis ng puso’t gunita.

Ang kamusmusan ko kung alalahanin,

halaman at bundok, yaman at bukirin.

na pauang naghandog ng balak sa akin,

ay inaruga mo bayang gingigiliw.

Ipinaglihim mo nang ako’y bata pa.

ang pagdaralitang iyong binabata,

luha’y ikinubli’t nang di mabalisa,

ang inandukha mong musmos kong ligaya.

Ngayong lumaki nang loobin ng langit

maanyong bahagya yaring pag-iisip

magagandang nasa’y tinipon sa dibdib

pagtulong sa iy o bayang iniibig.

Ngayon na nga lamang, ngayon ko natatap

ang pagkadusta mo’t naamis na palad.

Sa kaalipnan mo’y wala nang nahabag,

gayong kay-raming pinagpalang anak!

Sa agos ng iyong dugong ipinawis,

marami ang dukhang agad nagsikimis,

samantalang ikaw, Bayang iniibig,

ay hapung-hapo na’t putos nang gulanit.

Santong matuid mo ay iginagalang,

ng Dios na lalong makapangyarihan

na siya ngang dapat magbigay dangal,

bagkus ay siya pang kinukutyang tunay.

Ngun’t mabuti rin at napupurihan,

sa paghahari mo itong pamayanan,

sapagka’t nakuhang naipaaninaw,

na dito ang pumo’y di na kailangan.

Kung pahirap lamang ang ipadadala,

ng nangagpupuno sa ami’y sukat na

ang hulog ng Langit na bagyo’t kolera

lindol, beriberi madla nang balisa.

Sanggunian:

Aklat:

Cruz, I. at Reyes, S.S. (1984). Ang ating panitikan. Goodwill Trading Co, Inc. Manila.

Internet:

Limos, M. A. (2019). Why the Spaniards Feared Marcelo H. Del Pilar More Than They Did Jose Rizal. Esquiremag.ph. https://www.esquiremag.ph/long-reads/features/spaniards-most-feared-filipino-a2017-20190326-lfrm

Bayani Art. (2020). Marcelo del Pilar. Bayani Art. https://www.bayaniart.com/marcelo-hilario-del-pilar-biography/

The Kahimyang Project (2011). Today in Philippine History, August 30, 1850, Marcelo H. Del Pilar was born in Cupang, Bulacan, Bulacan. The Kahimyang Project. https://kahimyang.com/kauswagan/articles/554/today-in-philippine-history-august-30-1850-marcelo-h-del-pilar-was-born-in-cupang-bulacan-bulacan

Xiaotime, I. (2012). XIAOTIME, 30 October 2012: PAGTAKAS NI MARCELO H. DEL PILAR. IT’S XIAOTIME! https://xiaochua.net/2012/10/30/pagtakas-ni-marcelo-h-del-pilar/

About the Writer

Related Articles