Stallion
Stallion

The official trilingual publication of Xavier School, est. 1962.

Filipino

Pilipinong Manunulat #2: Huseng Batute

By Rich Tong (G12)

|3 min read

0 views
Pilipinong Manunulat #2: Huseng Batute

ni Rich Tong (G12)

Si Jose Corazon de Jesus, o mas kilala sa sagisag na Huseng Batute, ay isang Pilipinong makata, na sumulat sa wikang Filipino upang ipahayag ang kanyang pag-ibig para sa Pilipinas. Tinaguriang “Hari ng Balagtasan,” kilala si Huseng Batute sa kaniyang tula na pinamagatang “Bayan Ko.”

Bukod dito, si Jose Corazon de Jesus ay isinilang noong Nobyembre 22, 1896 sa mag-asawang Vicente de Jesus ng Sta. Maria, Bulacan at Susana Pangilinan ng Pampanga. Ikinasal siya kay Asuncion Lacdan noong 1918 at nagkaroon sila ng tatlong anak na sina Teresa, Pepe at Rogelio. Ito ang panahon noong sinakop ng mga Amerikano ang Pilipinas.

Noong bata pa si Jose Corazon de Jesus, pinangarap niyang maging abogado ngunit hindi siya natuloy kasi mas pinili niya maging manunulat. Kadalasan, ang mga sulat ni de Jesus ay tungkol sa lipunan, ano ang mga nangyayari sa paligid. Ilan sa mga akdang naisulat niya ay ang “Ang Manok Kong Bulik,” “Barong Tagalog,” “Ang Pagbabalik,” “Ang Pamana,” at iba pa.

Isa sa mga markadong katangian ng mga likha ni Jose Corazon de Jesus ay ang kanyang paggamit ng detalyadong paglalarawan ng mga tauhan at tagpo. Ipinapakita niya sa kanyang mga akda ang matinding damdamin, kagandahan ng kalikasan, at kahalagahan ng pagkakaisa ng mga Pilipino. Ang makukuha na mensahe sa kanyang mga isinulat ay ang pagmamahal sa bayan, halaga ng tradisyon, at pagsali sa kulturang Pinoy.

Dahil sa pagmamahal ni Jose Corazon de Jesus sa Pilipinas, nagtayo siya ng mga workshop upang maipasa ang kanyang kaalaman at kasanayan sa mga susunod na henerasyon, sa mga batang artista. Sa pamamagitan nito, patuloy niyang pinapalawak ang diwa ng pagmamahal sa sining at pagpapahalaga sa kultura sa mga kabataan.

Sa kasamaang palad, noong Mayo 26, 1932, pumanaw siya sa murang edad na 36 dahil sa sakit na ulser. Subalit, habang siya ay buhay pa, nagsulat siya ng isang Talambuhay tungkol sa kanyang sarili. May sinabi siya sa huling linya, ito ay, “Ang pinakamalaki kong pangarap ay maging Wikang Pambansa ang Tagalog”. Dito, makikita mo ang tunay na dedikasyon ni de Jesus at kanyang hindi matatapos na pagmamahal para sa bansa. Si Jose Corazon de Jesus ay isa sa mga taong nararapat bigyan ng ating paggalang at paghanga sapagkat kung wala siya, maaring maging iba ang kalagayan ng wika sa Pilipinas ngayon.

KAHIT SAAN

Kung sa mga daang nilalakaran mo,

may puting bulaklak ang nagyukong damo

na nang dumaan ka ay biglang tumungo

tila nahihiyang tumunghay sa iyo. . .

Irog, iya’y ako!

Kung may isang ibong tuwing takipsilim,

nilalapitan ka at titingin-tingin,

kung sa iyong silid masok na magiliw

at ika’y awitan sa gabing malalim. . .

Ako iyan, Giliw!

Kung tumingala ka sa gabing payapa

at sa langit nama’y may ulilang tala

na sinasabugan ikaw sa bintana

ng kanyang malungkot na sinag ng luha

Iya’y ako, Mutya!

Kung ikaw’y magising sa dapit-umaga,

isang paruparo ang iyong nakita

na sa masetas mong didiligin sana

ang pakpak ay wasak at nanlalamig na. . .

Iya’y ako, Sinta!

Kung nagdarasal ka’t sa matang luhaan

ng Kristo’y may isang luhang nakasungaw,

kundi mo mapahid sa panghihinayang

at nalulungkot ka sa kapighatian. . .

Yao’y ako, Hirang!

Ngunit kung ibig mong makita pa ako,

akong totohanang nagmahal sa iyo;

hindi kalayuan, ikaw ay tumungo

sa lumang libinga’t doon, asahan mong. . .

magkikita tayo!

About the Writer

Related Articles