Punto de Vista
By jaredlumanlan
|9 min read

“Anak, mag-ingat ka ha,” pag-alala ni Nanay. “Baka magkaroon ng pagtambang sa plaza.” “Huwag ka mag-alala, ‘ma. Mag-iingat ako,” giit ko. “Sige, aalis na po ako.”
Anim na buwan ang lumipas matapos magkaroon ng hidwaan sa Diliman. Bilang isang estudyante ng unibersidad, nakibahagi ako sa demonstrasyon bilang pagtugon sa pagtaas ng presyo ng langis sa ilalim ng pagkapangulo ni Marcos. Upang ipakita ang suporta para sa mga tsuper ng mga dyip, nagtayo kami ng mga barikada sa paligid ng aming kampus. Naging mapayapa ang pagtutol namin hanggang may tila isang sira-ulo ang nanunsol ng gulo at dahas. Matingkad ko pang naaalala ang eksenang iyon. Isang guro ng matematika ang dumating sa unang tsekpoint ng Abenida. Nahalata siya ng isa sa amin at mayamaya ay nagtapunan ng kahitilya ng pilduras ang mga tao patungo sa kotse ng propesor. Nang sumugod kami papunta sa kanya, lumabas siya ng kotse at nagsuot ng tsaleko. Inabot niya ang isang shotgun sa loob ng kanyang sasakyan. Tinutok niya ang baril nang sumigaw sa takot ang mga tao. Tumingin ako sa ibayo ng pulutong, nilagay niya ang kanyang daliri sa gatilyo ng baril. Tinakpan ko ang aking tenga, inaabangan ko na ang putok habang nagkakagulo na ang mga kasapi ng demonstrasyon. Pagtingin ko muli sa mamang may hawak na armas, ako’y nalito sapagkat hindi siya tumira. Wala palang punlo ang kanyang baril kaya pagkatapos ng ilang segundo ay nilabas niya ang kanyang riple at bumaril na siya. Kinuha niya rin ang kanyang rebolber at bumaril pa nang bumaril habang lalong nataranta ang mga tao. Natamaan ang isang estudyante at dinala siya sa ospital. Pagkatapos ng apat na araw, pumanaw ang kawawang estudyante. Napuno ako ng galit at poot sa nangyari.
Lumala pa ang sitwasyon sa pagtagos ng militar sa kampus. Ngunit hindi sila nakapasok. Tumulong ang mga guro sa pagtatayo ng mga barikada gamit ang mga silya at mesa. Ilang sandali ang nakalipas ay nagbato na kami ng mga improbisadong bombang Molotov para hadlangan ang pagpasok ng mga armadong opisyal. Sa sumunod na araw, lumusob ang mga sundalo sa isang dormitoryo kung saan nakatago ang ilang kasapi ng demonstrasyon. Nang isipin ko muli ang nangyari, guminhawa ang aking pakiramdam, parang pinagpala na hindi ako nandoon sa oras na naaresto ang mga wala namang kasalanan. Dose-dosenang estudyante ang nasaktan sa pagsalakay. Suwerte ako na nakaalis na ako nang makapasok ang mga sundalo.
Higit pa sa problema ng langis ang tunguhin ng mga demonstrasyon sa Pilipinas. Bago nangyari ang insidenteng ito, lumaki ang galit ng mamamayan dahil sa krisis sa ekonomiya. Nagkaroon ng kaguluhan at karahasan sa pagitan ng dalawang panig. Ito ang dahilan kung bakit nag-alala ang aking nanay. Lumaki ako sa isang simpleng pamilya. Mapag-aruga at palaging nag-aalala ang aking nanay. Mahilig kasi akong sumali sa mga aktibidad na nagpapahayag ng pagbabago sa gobyerno. Ilang taon na rin akong nagsusulat ng mga editoryal at mga artikulong mayaman sa aking paniniwala at opinyon. Kaya nag-aalala ang aking ina. Baka daw mahuli at patayin daw ako ng mga nakatataas. Ngunit, kahit isang saglit ay hindi ako natakot.
Sumakay na ako ng dyip patungo sa Quiapo para masaksihan ang kampanya ng partido ng oposisyon. Napagisipan ko ang mga nangyari sa nakaraang taon. Natandaan ko ang mga pag-aalala ni nanay nang pinagmasdan ko ang paligid sa aking biyahe. Palagi kong pinangarap na magkaroon ng lubos na kalayaan ang inang bayan. At nang marining ko na tatakbo ang oposisyon sa susunod na halalan, naging masaya ako dahil ito ay isang hakbang sa tamang direksyon para sa ating bayan.
Sa wakas, nakarating na rin ako sa puso ng Quiapo, ang Plaza Miranda. Halos isang libong tao ang nagpakita, baka mas marami pa nga. Pagdating ko, naghahanda na ang mga kandidato para sa miting de avance. Tumayo ako at naghintay sa likod ng pulutong. Pagkatapos ng ilang minuto, nagsimula na ang pagkampanya. Tumayo ang mga kandidato, taas-taas ang mga kamay para kumuha ng litrato. Ngunit nagkaroon ako ng kataka-takang pakiramdam na hindi ko kayang ipaliwanag. Tumingin ako sa pagitan ng mga tao at may nakita akong kakaibang bagay na lumapag sa gilid ng entablado. Hindi ko masyadong makita dahil sa distansya. Mukha itong bola na nakabalot sa papel. Sa loob ng ilang saglit, sumabog ito at sa isang iglap napuno ng dugo ang mga nakaupong kandidato. Sinundan ito ng isa pang granada at tumakbo ang mga tao dahil sa pagkabigla. Sa aking pagtakbo, naalala ko ang nangyari sa unibersidad subalit mas matindi ang aking ligalig at pagkalito. Bilang manunulat, nanatili muna ako sa plaza. Pinagmasdan ko ang gulo na nangyari, ang pagdating ng mga ambulasansya at pulis. Umuwi ako pagkatapos ng aking pagninilay.
Nakarating na ako sa aming bahay, sa gitna ng sala nakatayo ang aking nanay. Nakatanga, tinatakpan ang bibig gamit ang kanyang kamay. Nagtitigan kami, Samantala, pawis na pawis na ako, gusto nang magpahinga. “Anak, okay ka lang ba? Nag-aalala ako sa yo.” Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko. “Hindi naman ako nasaktan, ‘ma,” panigurado ko. Halatang-halata ang takot at pag-aalala ng aking ina. “Kailangan na nating mag-ingat, malapit ka nang mamatay!,” pagbalisa niya. “Huminto ka muna sa pagsasali sa mga demonstrasyon at rally.” “Pero ‘ma, lahat ng ginagawa ko para naman sa bansa, kailangan nating ipaglaban ang ating sarili, kundi hindi magkakaroon ng pagbabago,” tumutol ako. “Masyadong mapanganib, hindi natin alam kung ano ang gagawin ng gobyerno… ni Marcos” “‘Ma—“. “Maligo ka muna, pagkatapos magpahinga ka muna.”
Habang nakahiga sa aking kama, pinag-isipan ko ang lahat na naganap , mula sa unibersidad, hanggang sa plaza. Pagod na pagod ako. Hindi dahil sa aking pagtakbo, kundi pagod sapagkat hanggang ngayon nakagapos pa rin tayo, nakakulong dahil sa sarili natin.
Nakalipas ang ilang taon, nadeklera ang batas militar at natatag ang ganap na kapangyarihan ng diktadura. Lahat ng mga media, kontralado ng mga nasa taas. Mga lider ng opisisyon, naaresto nang hindi karapat-dapat samantala kaming mga aktibista, nagtago dahil sa takot. Ngunit tinanggal ang batas militar pagkatapos ng siyam na taon, nagbago ang gobyerno upang ibigay ang lahat ng kapangyarihan kay Marcos.
Nagsawa ako sa manipulasyon ng demonyong nakaupo sa Malacañang. Hindi ko na kayang magtago sa kadiliman, hindi ko na kayang matakot. Sumali ako sa mga lihim na kilusan, ginamit ko ang aking kakahayan sa pagsusulat para ikalat ang katotohanan.
Sa loob-loob ko, hindi ba ang mga akda ni Rizal ang nagpaliyab ng ating rebolusyon laban sa mga Kastila? Kapag panulat at papel ang gamit, maari ba tayong lumaya? Bumalik din sa isip ko ang usapan namin ni nanay noong binomba ang plaza. Anuman ang pwede nating gawin para sa Inang Bayan, nararapat na siya ay malaya. Ngunit sa ating paglaban, kinakailangan nating maging malakas, kailangan nating mamatay para sa bayan. Hindi ba ang katapangan ni Bonifacio at Luna ang nagpalaya sa atin mula sa imperyalismo ng Espanya na tumagal ng higit sa tatlong daang taon? Papayag ba tayong maging alipin ng sarili nating bayan?
Madaming mga kuwento ng pang-aabuso ng gobyerno. Naalala ko ang isang kuwento na nangyari sa panayam ng anak ni Marcos. Tinatanong ng isang estudyante kung bakit may puwesto sa pamahalaan ang anak ng diktador. Mayamaya inabuso ang inosenteng lalaki, tinapon sa labas ng isang bintana. Nahanap ang kanyang katawan, luray na luray. Dahil lang naiinis ang anak ng pangulo, naging wakas ang pagpatay ng isang lalaking bata pa. Libo libo ang arestado. Madami pang kwento tungkol sa panggagahasa at pang-aabuso ng mga tauhan ni Marcos. Pagkuryente ng ari, pagsunog ng katawan gamit ng sigarilyo, pagpapahubad ng mga babae, ito ang mga ilan sa kanilang mga pamamaraan para ipakita ang kanilang dahas. Mga malulupit at hindi makataong aksyon, ito ang naging tatak ni Marcos.
“Maraming salamat talaga sa tulong mo, ah,” sabi sa akin ng editor ng lihim na publikasyon na sinalihan ko. Nagsusulat kasi kami tungkol sa mga katotohanan ng mga paglabag sa karapatan ng tao ng mga nasa taas. “Walang problema. Sige, aalis na po ako.” Lumabas na ako sa pook ng aming pinagkikitaan. Iniwan ko ang aking talaarawan, babalikan ko pa ba kaya? Nakasakay na ako ng dyip. Bukas ko na lang kukunin.
Bumaba ako ng dyip, maglalakad na lang ako pauwi ng aming bahay. Napahinto ako sa aking paglakad, ngunit hindi ako ang nagpahinto sa akin. Tila may humawak sa aking balikat, nakaharang sa daan. Isang malaki at matangkad na mama ang nakatayo sa harap ko. May hawak siyang armas, suot suot ang isang berde na tsalako. Nagtitigan kami. Pagkatapos ng ilang saglit, kinuha niya ang pitaka ko. Limang piso, sampung piso, dalawampung piso, lahat ng salapi ko binulsa niya habang hawak hawak ang kwelyo ng aking polo. “Nagtratrabaho ka sa ahensya?” hawak hawak niya ang isang pekeng ID. Basang-basa ako sa pawis, basang-basa sa takot at pangamba. “Opo, pauwi na po ako”, sabi ko. Tinanggal niya ang kanyang kamay sa kwelyo ko at binalik ang pitaka at ID. Tinuloy ko ang aking paglalakad, sabay nito ang paglawak o paglaki ng aking balintataw. Muntik na akong mamatay. Hindi pumasok sa isip ko iyong naiwan ko na talaarawan, hindi pumasok iyong pagbulsa ng sundalo. Pinag-isipan ko ang kaligtasan ng aking buhay. Lahat ng katapangan at lakas ko ay naglaho sa sandaling iyon.
Ngunit sa kabila ng aking pagtakot, tinuloy ko pa rin ang aking pag-aambag sa pagkalat ng katotohanan. Napagtanto ko na hindi ko kayang maging kabado at takot. Hindi ko kayang mag-alinlangan. Namatay na si Ninoy, isa sa mga kritikong matagal nang salungat sa gobyerno. Ngayon, kailangan nating gawin ang ating kaya upang malaya.
Dumami ang mga espekulasyon at tsismis tungkol sa nakatagong yaman ni Marcos. Nakarating ang mga balita na ito sa ibang bansa kaya’y dumami ang mga artikulo tungkol dito. Pagkatapos ng isang panayam kay Marcos, naanunsyado na magkakaroon ng halalan, isang taon na maaga. Tumakbo at nangampanya si Cory Aquino, ang asawa ni Ninoy. Sa wakas, nagkaroon ako ng magandang pakiramdam. Pag-asa, ito ang naramdaman ko. Tila may panlunas sa sakit na naidudulot ng korapsyon at dahas.
Araw ng halalan. Gumising ako nang maaga, kumain ng almusal, nagbihis nang mabuti at disente. Sinuot ko ang isang puting kamiseta at sa ibabaw ay isang bagong plantsang polo. Itim na pantalon at kayumanggi na sapatos na katad. Nagsuklay at nagsipilyo, nagpabango pa nga. Akala’y mo pupunta sa isang pagtatapos o despedida, sa presinto ng botohan lang naman.
Nakarating ako sa presinto malapit sa amin. Pumila ako sa likod ng mga tao habang minamasdan ang mga inspektor o tagasuri na nangangasiwa ng pagboto. Medyo naghihinala ako, parang may mangyayaring masama. Pagkakataon kong bumoto, nilagay ko sa papel ang pangalan ng pinili kong kandidato.
Pagdating ng gabi, natapos na ang pagtala ng mga boto. Ang nanalo, ay ang kasalakuyang pangulo. Napuno ako ng pagkabigo at pagkasama ng loob. Nakialam ang kasamahan ng diktador sa resulta ng eleksyon. Nagkaroon ng pagkaligalig at gulo dahil sa daya na nangyari. Laganap ang ideya na hindi nanalo ang pangulo. Nagkaroon ng mga protesta, pati na rin ang mga programmer ng mga komputer na nagbibilang ng mga boto.
Makalipas ang ilang linggo. Biglang nawala ang suporta ng militar at ang ilang opisyal kay Marcos. Hinanda ang mga sundalo kung sakaling gumanti ang kampo ni Marcos. Tinawagang mamamayan ng Cardinal na pumunta sa Epifanio Delos Santos Avenue.
Nanatili ako doon kasama ang aking ilan na mga kaibigan. Lahat ng tao, matatanda, mga bata, mga pari at madre, mahirap at mayayaman, nakisali sa mapayapang demonstrasyon. Tatlong araw. Tatlong araw ng pag-aasa na magkakaroon ng mas magandang bukas. Ang hiling na tumanan sa kasalukuyan.
Pagdating ng pangatlong araw, tumindig ang diwa ng madla. Konting dasal pa, hawak ang mga kamay, kapit-bisig ang lahat. Sa wakas, natapos ang dalawang dekada na termino ng diktador. Noong umagang iyon, nagkaroon ng bagong lider sa Malacañang. Nagkaroon ng bagong pag-asa, bagong pagkakataon. Tila isang ibon na hinayaang lumabas ng kanyang hawla upang siya ay lumipad sa langit nang malaya.
Larawan mula sa: https://www.bantayog.org/tag/conversations-revisiting-martial-law/

