Sa Agos ng Panahon, Wika’y Buhay
By Blake Reyes (11C), Timothy Co (11H), Josie Deuda (11H)
|3 min read

Photo credits: XS Media Team
By: Blake Reyes (11C), Timothy Co (11H), Josie Deuda (11H)
Kasabay ng agos ng panahon, dumaloy din sa Paaralang Xavier ang sigla ng wika at sining ng Pilipinas.
Inilunsad ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika at Kultura sa Paaralang Xavier ngayong taon noong Agosto 8. Mula sa Sayaw sa Banga na itinanghal ng Lahing Kayumanggi Dance Troupe hanggang sa makabayang mga himig ni Noel Cabangon, ang pagbubukas ng Buwan ng Wika at Kultura sa Paaralang Xavier sa taong 2025 ay talagang nagpakitang gilas para ibahagi sa mga miyembro ng komunidad ang kagandahan ng kulturang Pilipino.

Mag-aaral na may bandila ng Pilipinas sa pagbubukas ng Buwan ng Wika at Kultura.
Ang programa ay nagbigay-diin sa tradisyon, musika, at sining na sumasalamin sa yaman ng pagkakakilanlan ng Pilipino. Sinimulan ito sa parada ng mga Natatanging Kasuotang Pilipino na sinalihan ng mga piling mag-aaral, guro at kawani mula sa iba’t ibang yunit ng Paaralang Xavier. Tampok rin ang Bulacan State University (BulSU) Lahing Kayumanggi Dance Troupe, na nagtanghal ng mga katutubong sayaw o folk dance na nagpapakita ng mga kaugalian at tradisyon ng mga Pilipino. Isa sa mga tampok na bahagi ng pagtatanghal ay ang pagbibigay ng pagkakataon sa ilang mag-aaral na masubukan mismo ang pagsayaw ng tinikling, na nagdulot ng saya at sigla sa mga manonood.
Mayroon ding pagtatanghal ng mga awitin mula sa kilalang mang-aawit na si Noel Cabangon. Ang mga kantang kanyang ibinahagi, tulad ng “Liwanag sa Dilim” at “Ako’y Isang Mabuting Pilipino,” ay nagsilbing matibay na paalala kung paanong ang musika at tula sa wikang Filipino ay may kakayahang magbuklod, magmulat, at magpaalab sa diwa ng pagiging Pilipino—at higit pa rito, ng pagiging isang mabuting mamamayan.
Hindi rin nagpahuli ang mga piling guro at mag-aaral ng Paaralang Xavier. Ipinamalas ng Dance X ang kanilang husay sa pagsayaw gamit ang mga kantang OPM mula sa mga kilalang grupo tulad ng SB19 at BINI bilang bahagi ng kanilang pagtatanghal. Sinorpresa rin ng ilang guro ang komunidad ng Xavier sa pagpapakita ng kanilang talento sa pagkanta at pagsayaw ng mga awiting nasa wikang Filipino.

Mga mang-aawit mula sa BuLSU Lahing Kayumanggi Group.
Ayon kay G. Jules Hernando na mula sa Kagawaran ng Filipino ng SHS, ang tema na pagdiriwang ng Buwan ng Wika at Kultura ngayong taon na Agos ay ginagamit upang ipakita ang patuloy na pagdaloy kulturang Pilipino sa ating paaralan. Dito rin makikita kung paanong tunay na buhay ang wika at kulturang Pilipino sa Paaralang Xavier. Gayundin, hindi lamang ito isang selebrasyon kundi ito rin ay isang pagkakataon para sa mga mag-aaral na mapaunlad ang kanilang wika at kultura. Hindi lang bilang mga Pilipino kundi sa pagpapakita na rin ng pagmamahal sa ating inang bayan.
Ang Buwan ng Wika at Kultura ay isang paalala sa atin, bilang mga Pilipino, kung gaano kahalaga ang ating wika sa ating pagkakakilanlan. Saan man tayo naroroon, sa alinmang lalawigan ng Pilipinas o sa ibang bansa, hindi ito maihihiwalay sa atin at sa ating pagka-Pilipino.
Dito sa Paaralang Xavier ang Buwan ng Wika at Kultura ay hindi lamang isang pagdiriwang. Ito rin ay isang pagkakataon upang maisabuhay ang isa sa 6C – ang Culture o Kultura upang maipakita sa lipunan na ang wika at kulturang Pilipino ay buhay na buhay, masagana, at patuloy na umaagos sa ating pang-araw-araw na pamumuhay, hindi lamang tuwing buwang ng Agosto.

