#Salamat, PNoy
By Derrick Buhain (12C)
|5 min read

Isinulat ni Derrick Buhain (12C)
Ang pagkamatay ng dating Pangulong Benigno Aquino III ay ikinagulat ng buong sambayanang Pilipino. Ayon sa dating senador Paolo “Bam” Benigno, “Ang biglaang pagkamatay ng kanyang pinsan ay nagdulot ng pagkadurog ng kanyang puso.” Sa isisp ng maraming Pilipino, si Pnoy ay naging isang huwarang pangulo ng Pilipinas, ibinigay niya ang kanyang pagsisikap, oras, at buhay upang pagsilbihan ang mamamayang Pilipino ngunit tila ba naging bulag ang ilan patungkol dito. “Si Pnoy ay isang tapat na pangulo at mabuting kaibigan, hindi niya alintana ang maraming mukhang sa kanya’y nagdududa,” ang sabi ng bise presidente, Leni Robredo. Nanatili siyang tahimik sa lahat ng alegasyon at paninira laban sa kanya. Ang daming naganap sa loob ng anim na taon kung kailan nagsilbing Presidente si Pnoy kaya siyasatin natin ang kanyang binago, hinarap na pagsubok, at mga panuntunang kanyang itinakda.
Naluklok siya sa puwesto noong Hunyo 30, 2010. Sa kanyang anim na taong panunungkulan, nakita at naramdaman natin ang kanyang pamamayagpag at pagbibigay-aksyon para sa ikabubuti ng mamamayang Pilipino. Sinubok tayo ng panahon kung kailan ang mga nakatataas ay naging sakim at gahaman. Ngunit noong naluklok sa puwesto si Pnoy, nagkaroon ng ilaw ang madilim na tahanan, nagkaroon ng dingding ang bawat buhay ng Pilipino, at nagkaroon ng serbisyong bukas-palad. Ayon sa datos na mayroon ang opisyal na diyaryo ng Pilipinas, ang mga pagbabagong inilunsad ng nakaraang administrasyon ay nagbunga ng malaking epekto sa ekonomiya ng ating bansa o ang tinatawag nilang kabuuang gawang katutubo na umabot ng 7.8%. Tanda niyo pa ba ang mga katagang kanyang binitawan noong 2010 nang inilahad niya ang kanyang pakay sa bayan, “Kayo ang boss ko, kaya’t hindi maaaring hindi ako makinig sa mga utos ninyo.” Ang mga katagang yan ay naging tatak sa bawat mamamayang Pilipino dahil hindi niya lang basta isinulong ito kundi kanya rin itong ginawa nang buong tapang at karangalan.
Ang layunin ng administrasyong Aquino ay alisin ang katiwalian sa ating lipunan. Gumawa sila ng mga bagong batas kung saan inuuna ang kapakanan ng bawat mamamayang Pilipino sa lahat ng proyekto at gagampanan ng ating pamahalaan.Si dating pangulong Benigno Aquino III ay isa sa mga hindi matatawarang naging pangulo ng Pilipinas. Hindi lamang siya nakatutok sa kanyang panunungkulan o posisyon kundi sa kung ano ang dapat at kailangan ng kanyang pinaglilingkuran. Ayon sa talumpating kanyang ibinahagi sa Pamantasang Ateneo de Manila, ninanais niya na ilahad ang pamahalaan para sa lahat. Dahil base sa mga nagdaang taon, ang pamahalaan ay naging pamahalaang naglilingkod sa maykaya at mayayaman na lamang. Ngunit ang kanyang dedikasyon at malasakit ang nagdala sa kanya sa rurok ng tagumpay–naisakatuparan niya ang mga katagang kanyang iniwan na pamahalaan para sa lahat, mayaman o kapus-palad ka man ay handa siyang magbigay serbisyo sa iyo. Kasama sa kanyang adbokasiya ay ang paglutas sa isyu ng lumalalang kagutuman ng mga Pilipino. Ayon sa kanya, mahigit 7.7 milyong pamilyang Filipino na ang nakaahon mula sa dagat ng kahirapan dahil sa kanyang mga programa tulad na lang ng Pantawid Pamilya.
Bukod pa dito ay nagpatayo pa siya ng mga karagdagang silid-aralan, nagbigay ng karagdagang mga aklat-aralin na maaring gamitin ng mga kabataang Pilipino at ang karagdagang upuan para sa mga pampublikong paaralan. Iilan lamang iyan sa mga hindi matatawarang programang kanyang nabigyang katuparan para sa ikauunlad at ikabubuti ng mamamayang Filipino.
Magkagayunman, ang kanyang termino ay naging isang mabigat na pagsubok para sa ating bansa. Maraming mga tao ang nagsikap na patalsikin siya, ngunit hindi sila nagtagumpay. Ang hidwaan laban sa Dagat Kanlurang Pilipinas o West Philippine Sea ay naging isang mabigat na pagsubok sa kanya dahil lalong lumakas ang paninindigan ng mga Tsino na angkinin ang kung ano talaga ang atin. Ayon sa kanyang pangalawang SONA noong 2015, “Wala tayong balak mang-away, pero kailangan ding mabatid ng mundo na handa tayong ipagtanggol ang atin. Pinag-aaralan na rin po natin ang pag-aangat ng kaso sa West Philippine Sea sa International Tribunal for the Law of the Sea, upang masigurong sa mga susunod na pagkakataon ay hinahon at pagtitimpi ang maghahari tuwing may alitan sa teritoryo.” Hindi sumuko si Pnoy upang makamit natin ang kayamanang matagal ng ninanakaw sa atin ng mga dayuhan. Hindi siya nagpatinag sa maladagat na daming banta ng dayuhang Tsino, bagkus ay ipinaglaban niya ito at ngayon ay natatamasa na natin ito dahil pagkatapos ng kanyang termino ay napatunayan at ipinagkaloob na ito sa ating Bansa.
Ang insidenteng naganap sa Mamasapano at naging sanhi ng pagkamatay ng 44 sundalong Pilipino ay naging isang mabigat na suliranin na naman sa kanyang administrasyon. Bilang ama ay ikinalungkot at patuloy niya itong dinala dahil ang panahong iyon ay hindi na niya maibabalik pa. Ayon sa kanyang talumpati patungkol sa isyung ito, sinabi niya na, “Ako ang Ama ng Bayan, at 44 sa aking mga anak ang nasawi. Hindi na sila maibabalik; nangyari ang trahedya sa ilalim ng aking panunungkulan; dadalhin ko po hanggang sa huling mga araw ko ang pangyayaring ito. Responsibilidad ko po sila, kasama ang buong puwersa ng SAF sa operasyong ito, pati na ang mga nagligtas sa kanila na nalagay din sa panganib ang buhay.” Hindi naging madali ang lahat ng problemang ibinato sa kanya ng mundo ngunit bilang isang tunay na bayani at mabuting pangulo, ipinagpatuloy at ipinaglaban pa rin niya ang kanyang paninidigang na tumulong at magsilbi hindi bilang isang pangulo ngunit bilang isang ama sa kanyang mga anak.
Kahit kailan ay hindi makakalimutan ang katapangan, kasipagan, at pagiging tapat ni Pangulong Noynoy Aquino sa paglilingkod para sa bayan. Siya ay naging isang huwarang bayani hindi lang sa mata ng mga taong naniniwala at sumusuporta sa kanya, kundi pati na rin sa mamamayang Pilipino. Sa dami ng paghihirap na hinarap niya , ipinagpatuloy pa rin ni Pnoy ang kanyang tungkulin bilang ama ng buong bansa. Ang mga bunga ng kanyang pagsisikap ay nararamdaman ng bawat Pilipino ngayon at patuloy tayong makikinabang dito sa mga dadating na panahon. Kahit biglaan ang kanyang pagkawala, ang pamana ni Pangulong Benigno Aquino III ay mananatiling nasa loob ng puso at diwa ng bawat Pilipino.

