SONA 2020 at ang Hinihintay na Lunas sa COVID-19?
By anjocajigal
|2 min read

Ang bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19 ay dumadami bawat araw na lumilipas. Noong Hulyo 30, umabot ito sa 3,995 na bagong kaso, ang pinakamataas na bilang ng bagong kaso na naranasan ng Pilipinas sa isang araw. Habang ang buhay ng madla ay patuloy nang nalalagay sa panganib, tingnan natin kung ano ang naging plano ng pamahalaan sa ipinahayag na talumpati ni Pangulong Duterte sa kanyang State of the Nation Address (SONA).
Itinakda ang ikalimang SONA ni Duterte sa Hulyo 27, 2020. Inasahan ng lahat ng manonood sa SONA na ito na maibibigay na ng pangulo ang pinakakailangan ng Pilipinas sa kasalukuyang panahon: isang angkop at kongkretong plano sa pagkilos tungkol sa pandemyang COVID-19.
Ngunit, hindi niya binigyang tuon ang krisis ng pandemya sa kanyang SONA.
Sinumulan niya ang SONA nang talakayin niya ang pagkabigo ng ekonomiya ng Pilipinas. Ipinahayag din niya ang kanyang kalungkutan sa mga pamilyang nasawi dahil sa COVID. Pagkatapos nito, tinalakay na niya ang mga tinatawag niyang “oligarchs” na naging pangunahing paksa ng SONA.
Ayon kay Pangulong Duterte, ginagamit ng mga Lopez, isang pamilya na tinatawag na “oligarch” at ang may ari ng media company na ABS-CBN, ang medya laban sa gobyerno.
Pinagbantaan din niya ang mga “oligarchs” na si Manny Pangilingan at ang mga Ayala, mga may-ari ng Globe at Smart. Kung hindi daw nila aayusin ang kanilang serbisyo, kukunin na rin ng gobyerno ang kanilang kumpanya.
“I want to call Jesus Christ [in] Bethlehem, better have that line cleared,” sabi ng Pangulo.
Tinalakay din niya ang problema na noon pa ay kanya nang binibigyang-tuon: ang War on Drugs. Dahil daw sa COVID-19, tumaas din ang pagkilos ng mga drug pushers. Inutusan niya ang Kongresso na ibalik ang death penalty sa pamamagitan ng lethal injection.
Sa kabila ng lahat na ito, sinabihan niya ang Congress na ipasa ang Bayanihan to Recover As One Act. Ang layunin ng batas na ito ay bigyan ng karagdagang tulong ang mahihirap, pautang na may mababang interes sa mga maliliit na negosyo, pondo para sa mga paaralan upang maipatupad ang online learning, at makakuha ng pondong gagamitin para sa mass COVID-19 testing.
Sinabihan din ni Duterte ang Congress na ipasa ang CREATE o Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprise na maaring makatulong sa mga negosyo pagkatapos ng pandemya. Sa ngayon, hindi rin niya pabubuksan ang buong ekonomiya.
Ang mga iba niyang tinalakay maliban dito ay walang kaugnayan sa pandemya. Wala pa rin siyang binanggit na solusyon para sa krisis ng pandemyang hinaharap ng Pilipinas. Isa ito sa maraming butas ng SONA ni Pangulong Duterte.
Sanggunian: http://metronewscentral.net/in-and-around-the-metro/duterte-set-to-deliver-5th-sona

