Stallion
Stallion

The official trilingual publication of Xavier School, est. 1962.

Filipino

<strong>Buwan ng Wika at Kultura 2022: “BaliXSaya: Wikang Pinanday, Kulturang Pinagtibay”</strong>

By Jared Lumanlan (10C), Macray Lee (11G)

|3 min read

0 views
<strong>Buwan ng Wika at Kultura 2022: “BaliXSaya: Wikang Pinanday, Kulturang Pinagtibay”</strong>

ni Jared Lumanlan (10C), Macray Lee (11G)

Ang Paglulunsad ng Buwan ng Wika at Kultura 2022 sa Paaralang Xavier

Naganap ang paglulunsad ng Buwan ng Wika at Kultura 2022 sa Paaralang Xavier noong Agosto 11, 2022 na may temang “BaliXSaya: Wikang Pinanday, Kulturang Pinagtibay”. Ito ang unang pagdiriwang na ginanap sa HyfleXS set-up kung saan muling nakapagdiwang ang ilang miyembro sa pisikal na paraan matapos ang dalawang taon na online ang pagdiriwang nito dulot ng pandemya.

Sinimulan ang araw sa isang misa para sa Kapistahan ni San Lorenzo ng Roma. Ito ay ginanap sa High School Gym at pinangunahan ni Fr. Felipe Yohan Jr., SJ., ang campus minister ng paaralan. Pagkatapos ng misa, nanatili ang mga miyembro ng Gold Batch sa High School gym na siyang awdyens para ipagdiwang at panoorin ang programa na hinanda ng Kagawaran ng Filipino sa tulong ng mga mag-aaral at mga piling club.

Pinangunahan nina Binibining Dela Peña ng Kagawaran ng Filipino at Lorenzo Vito Miguel ng 10-E ang programa sa araw na iyon. Sinimulan ang programa sa isang pagtatanghal ng mga piling guro sa hayskul ng Kappa Malong Malong na isang katutubong sayaw sa Mindanao. Sinundan ng isang pambungad na pananalita ni Ginang Thess Ladrido, ang punong-guro ng hayskul. Pagkatapos nito, kinanta ng mga mag-aaral at guro ang Pambansang Awit ng Pilipinas.

Ipinakita naman ng mga piling club ang kanilang husay at galing sa pamamagitan ng kanilang mga pagtatanghal. Pinangunahan ng De Novo sa kanilang pag-awit at pagra-rap ng “Hari ng Tondo” ni Gloc-9. Sinundan naman ng pagsasayaw sa mga awiting Pilipino ng mga miyembro ng Dance X. Ang huling nagtanghal ay mula sa Sandugo kung saan ipinakita nila ang kanilang kahusayan sa pananalita at pagkamalikhain sa pamamagitan ng pagbigkas ng isang spoken word poetry.

Bukod dito, pinatugtog ang sikat na kantang “Kabataang Pinoy” ng bandang Itchyworms bilang awit ng komunidad. Ito ang kantang ginamit sa Pinoy Big Brother Teen Edition, isang reality game show sa ABS-CBN. Nang matapos ang pagtugtog nito kinanta ng mga mag-aaral ang himno ng Paaralang Xavier bilang pagtatapos ng programa. Nakiisa at nakisaya rin ang MMDA Band at ilang clubs kagaya ng Xavier School Musicians’ Pool at Cooking Club at may Art exhibit din ang mga mag-aaral ng ika-pitong baitang.

Mga Gawain para sa Buwan ng Wika at Kultura 2022

Upang higit na hikayatin ang mga mag-aaral na ipagdiwang ang Buwan ng Wika at Kultura 2022, naglatag ng mga gawain ang Kagawaran ng Filipino Magkakaroon ang mga mag-aaral ng Junior High School (JHS) at Senior High School (SHS) ng iba’t ibang mga aktibidad para mas maging masaya at mabunga ang buwan ng Agosto. Ang mga aktibidad na ito ay tatagal hanggang sa katapusan ng buwan. Magkakaroon din ng kulminasyon sa Setyembre 5 kasabay ang General Assembly

Kabilang sa mga aktibidad ng Junior High School ang Tugtuging Pinoy, Mentoring Bluff, LuzViMinda, Pagdidisensyo ng Bulletin Board hinggil sa mayamang kultura ng Pilipinas, PalakaXSan 2022: Balik Sigla, Balik Saya at ang MahuXSay (Exhibit ng mga piling mahuhusay na performance task o asynchronous na gawain ng mga piling mag-aaral sa JHS).

Noong Agosto 12 ng 2:00 hanggang 3:30 ng hapon, ang Grade 11 naman ay nagkaroon ng sariling talakayan ukol sa mga kuwentong dapat mabasa ng mga kabataan ngayon na tinatawag na Online XSalamyaan 2022. Pinangunahan ang kaganapang ito ni Xi Zuq, LPG, M.A. Nagkaroon din ang Grade 12 ng Online XSalamyaan 2022 ngunit isa itong talakayan ukol sa Wikang Filipino: Alaala ng Nakaraan at ang Distorsiyon ng Kasaysayan. Pinangunahan ito ni Prof. Ian Harvey A. Carlos, M.A.. Bukod sa mga gawaing ito, magkakaroon ang buong Senior High School ng mga aktibidad tulad ng XSine: Pista ng Pelikula ng Pilipino, Family Feud HyfleXS Edition, MEMEasabi Lang HuGOAT ng Buwan, Kultura’t Pananghalian, at Baybay Galing.

Narito ang mga detalye ng mga gawain para sa Buwan ng Wika at Kultura 2022 sa memo na ito.

Maligayang Buwan ng Wika at Kultura 2022!

About the Writer

Related Articles