Stallion
Stallion

The official trilingual publication of Xavier School, est. 1962.

Filipino

Supremo

By Shaun Jethro M. Lim

|1 min read

0 views
Supremo

Isinulat ni Shaun Jethro M. Lim

Tatlong siglo na ang nakakaraan
Ng malupit na pang-aapi at kahirapan
Sapagkat tayo’y pinagsamantalahan
Ng mga manlulupig na dayuhan

Sino ba sila para maging makapangyarihan
Sa lahat ng sulok ng sangkapuluan
Siglo-siglong kaalipinan
Inyong nais pahintuan

Upang bawiin ang ating mga karapatan
Mula sa malulupit na mga dayuhan
Inyong katangi-tanging paraan
Sa pamamagitan ng madugong digmaan

Sa inyong kagitingan ay naumpisahan
Isang makabayan na kilusan
Sa simula’y palihim na binansagan
Katipunan ng mga Anak ng Bayan

Nagtipon ang mga mamamayan sa Pugad Lawin
Upang isang bagay ay sabay-sabay na punitin
Sedulang sagisag ng ating pagiging alipin
Sa ilalim ng mga Kastila para tayo’y abusuhin

Inyong iwinagayway
Pulang bandila na sagisag na tunay
Ng dugo ng mga Pilipinong nais mamatay
Para sa pagtatagumpay ay makasigaw ng mabuhay

Kayo ay nagbigay diwa sa sambayanan
Na ialay ang buhay para sa kalayaan
Kaya nagkaroon ng tungkulin ang bawat mamamayan
Pati na rin ang ating mga kababaihan

Bonifacio, Ama ng himagsikan
Inyong isinulong ang ating pagkakakilanlan
Kagitingan mo’y aming tutularan
Upang ang inang bayan ay patuloy na ipaglalaban

About the Writer

Related Articles